Bilang si "Mila" na karakter niya sa pelikulang "That Kind of Love,” nagbigay ng malalalim na payo tungkol sa pag-ibig si Barbie Forteza sa ilang kaibigan niya sa showbiz gaya nina Alden Richards, Sanya Lopez, at Kyline Alcantara .
Sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Biyernes, nilinaw naman ni Barbie na ibinibigay niya ang kaniyang payo bilang si “Mila,” na kaniyang karakter sa pelikula nila ni David Licauco na “That Kind of Love.”
Unang pinayuhan si Barbie o Mila si Sanya Lopez, na isang no boyfriend since birth at kapatid ng nobyo niyang si Jak Roberto.
“Huwag kang masyado ma-pressure to find the right guy right away. Sabi nga nila you’ll meet three kinds of love in your life. The first one, you’ll feel all the butterflies in your stomach. ‘Yung second love will teach you all the lessons you need to learn. And then the third one is the love na magpaparamdam sa ‘yo, how love should feel like,” ani Barbie.
“Just dive in, paano mo malalaman kung hindi mo susubukan, kung marami ka masyadong requirements agad-agad? Just try,” sabi pa niya.
Ngunit kung napagdaanan na ni Barbie ang tatlong klase ng pag-ibig na kaniyang nabanggit: “Yes, I believe so.”
Hinikayat naman ni “Mila” si Alden na maging mas "social" pa sa labas ng trabaho.
“Make time for yourself. Be more social outside of work, and just have fun,” payo ng aktres.
May hirit naman si “Mila” para kay Miguel Tanfelix, na panindigan ang pag-ibig kay Ysabel Ortega.
“Kung nasaan man kayong estado ngayon, pangalagaan mo ‘yan, dahil she’s one of a kind. Sa mga mahirap na sitwasyon, man up,” sabi ni Barbie.
“Don’t make the same mistake twice. Charot!” sambit pa ni Barbie na tila may hugot.
Pinayuhan ni “Mila” si Kyline Alcantara na maghinay-hinay sa pag-ibig.
“Remember that you’re still very young, you can always just have fun muna. Marami ka pa namang mae-experience rin. No need to commit agad-agad, not that I’m saying na you should put yourself out there agad-agad. Huwag mo lang i-pressure ang sarili mo na talagang 100 percent doon sa relationship. Get to know the person first. Have fun. Bata pa,” ayon kay Barbie.
Pagdating naman kay Julie Anne San Jose, hinikayat ni “Mila” ang mga magulang nito na payagan na ang anak sa susunod na yugto ng pag-ibig kay Rayver Cruz.
“I-ano mo na ‘yan,” tila may pagka-inip na mensahe ni Barbie kay Julie. “Actually more than Julie, tita, tito (mga magulang ni Julie), puwede na ‘yan. Mature na ‘yang friend ko na ‘yan, puwede na ‘yan, let go. Responsible naman, mature naman na eh. And I’m very confident with Rayver. Aalagaan naman talaga si Julie.”
Pagdating naman kay David Licauco: “In any aspect of your life, whether be in business or relationship, or showbiz, I hope you won’t lose yourself. Hindi ka ma-rattle to juggle all those things. Kasi malalaking bagay ‘yung lahat sa buhay niya. Kailangan alam mo ang priorities mo, set your priorities straight.”
Pinayuhan din ni Barbie si David noon na disiplinahin ang relasyon nito.
“You can also discipline the relationship, since you’re the man in the relationship, you can discipline it, and even your partner siguro, mas matuturuan mo siya nang maayos para mas mag-work ‘yung relationship,” saad niya.
Sa naturang pelikula, si Mila ay isang dating coach na tinutulungan ang mga tao na makahanap ng pag-ibig.
Makikilala niya si Adam, na ginagampanan ni David, na tila isang “Mr. Perfect” na kaniyang tutulungang makahanap ng pag-ibig.
Ipalalabas ang That Kind of Love sa mga sinehan sa Hulyo 10.
--FRJ, GMA Integrated News