Trending ang pagpasok ng bagong karakter sa “Abot-Kamay na Pangarap” na si Morgana Go, na ginagampanan ni Pinky Amador, identical sister umano ni Moira Tanyag, na dating ginampanan ng aktres.
Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa 24 Oras nitong Biyernes, sinabing napatanong ang ilang netizens nang mapansin ang pagkakatulad ni Morgana, sa balita tungkol sa isang kontrobersiyal na alkalde na "lumaki sa farm."
Si Margona ay lumalabas na anak din ni Chantal Dubois, na ginagampanan ni Pilar Pilapil.
Sa episode ng teleserye nitong Huwebes, pinagkuwento si Morgana tungkol sa kaniyang childhood.
“Ang naalala ko lang, lumaki kasi ako sa farm,” sabi ni Morgana.
Natawa ang netizens sa X (dating Twitter), at nagbiro ang ilan na updated na rin sa happenings ang mga karakter dahil sa haba ng serye.
“Pinanganak po siya sa farm, medyo mahirap lang po sila, tsaka lumaki siya kasama ng papa niya tsaka si Teacher Juvilyn,” kuwento ni Pinky sa bago niyang karakter.
Ayon kay Pinky, nang mawala siya ng ilang linggo sa series upang bumida sa isang stage play sa Singapore, tinatalakay ng creative team kung paano magiging pasabog ang kaniyang comeback.
“Tamang tama sumabog ‘yung hearings. Ang sabi ‘Teka muna, what if gawin nating Chinese inspired tapos may mga ganu’ng kaganapan for the relevance,’” sabi ni Pinky.
Ngunit pag-amin niya, mas challenging ang kaniyang bagong karakter dahil mayroon siyang prosthetics at kailangan niyang matutong mag-Chinese.
Sa kabutihang palad, nagsilbing Chinese tutor niya si “Doc RJ” Richard Yap.
Kailangan din ni Pinky na mag-aral ng Wushu.
Maliban kay Morgana, dalawang bagong karakter pa ang nakilala, ang half-sister niyang si Nushi G, ginagampanan ni Gladys Reyes, at hitman niya na ginagampanan ni Mark Herras.
“Maraming tinatagong sikreto si Morgana Go. Marami silang pinaplano kasama ng kaniyang mother na si Chantal Dubois at ang kaniyang half-sister na si Nushi G,” sabi ni Pinky. --FRJ, GMA Integrated News