Tila naligaw at nakitang palakad-lakad sa isang busy na kalsada sa Maharashtra, India, ang isang malaking buwaya.
Sa video ng GMA Integrated Newsfeed, nagulat at napatigil ang mga motorista nang bumulaga ang buwaya na mistulang siga na naglakad sa kalsada.
Base sa ilang local reports na lumabas, tinatayang nasa walong talampakan umano ang haba ng buwaya.
Hinihinala ng mga residente na posibleng nanggaling ang buwaya sa malapit na ilog, at nakaahon nang tumaas ang tubig dahil sa malakas na pag-ulan.
Walang nagawa ang mga motorista kung hindi tumigil at kunan ng video ang kakaiba at pambihirang tagpo.
Wala naman iniulat na nasaktan o inatake ang buwaya, na hindi rin nabanggit kung saan nakarating.
Pero nagreklamo ang mga residente sa lugar dahil lumitaw na wala umanong kakayahan ang kanilang lokal na paahalaan para hulihin o kontrolin ang buwaya
Nilang nakalipas na mga araw, nakaranas ng matinding pag-ulan ang India na nagdulot ng pagbaha at landslides sa north at north-east, na ikinasawi ng hindi bababa sa 11 katao, ayon sa isang ulat ng Reuters.
Sa kanilang official bulletin, siyam ang nasawi sa mataong lugar na Uttar Pradesh. May dalawa naman na nasawi sa Assam, 600,000 katao ang apektado at 8,000 ang inilikas dahil pagbaha mula noong June 16, ayon sa pahayag ng isang state disaster management.--FRJ, GMA Integrated News