Napatakbo ang mga naglalaro ng volleyball sa isang covered court sa Lipa City, Batangas nang may "pangmalakasan" na dumating na tila gustong makisali-- isang malaking baka.
Sa ulat ni Paul Hernandez sa GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog, ipinakita ang video na ini-upload sa social media ni Aina Tarrayo, sa nangyaring eksena sa kanilang volleyball game sa Barangay Antipolo del Sur.
Sa video na nilagyan ni Tarrayo ng titulong "Dayo," makikita na nagtakbuhan ang mga naglalaro at maging ang ilang nanonood nang umeksena sa gitna ng court ang baka may laro.
"Ako po 'yung magse-serve, tapos nu'ng naglalaro na po, ongoing po 'yung game, may dumating na baka. Tapos bigla po siyang tumakbo po around the court, then nagkagulo na po 'yung mga tao," kuwento ni Tarrayo.
Matapos na makatawid sa court, dumiresto na palabas ang baka na hindi agad nalaman kung sino ang may-ari.
Ayon kay Tarrayo, parang gubat ang gilid ng kanilang pinaglalaruan at mayroon talagang mga nag-aalaga ng baka sa lugar.
Wala namang nasaktan sa naturang insidente na nagbigay ng katatawanan sa mga tao.
Samantala, isang siklista ang nasaktan nang mapag-initan siya at atakihin ng isang nakawalang toro sa Lima, Peru.
Sa video ng GMA Integrated Newsfeed, makikita ang toro na naglalakad sa kalye matapos makatakas sa isang farm.
May pulis naman na humahabol sa toro na biglang tumigil. Inakala nilang nasukol na nila ang hayop nang dumaan ang siklista na biglang sinuwag ng toro.
Nagawa naman ng siklista na makatayo at makalayo sa toro na nahuli rin kinalaunan.
Humingi ng paumanhin ang may-ari ng toro sa abalang idinulot ng kaniyang hayop. Nangako siyang bayayaran ang pinsala na idinulot ng toro. -- FRJ, GMA Integrated News