Lalong pinagdudahan ni Senador Risa Hontiveros ang tunay na pagkatao ni suspended Bamban, Tarlac mayor Alice Guo, matapos niyang malaman mula sa record ng National Bureau of Investigation (NBI) na may isa pang babae na nagnagangalang Alice Leal Guo.
Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng komite sa Senado tungkol sa sinalakay na POGO hub sa Bamban na iniuugnay si Mayor Guo, sinabi ni Hontiveros na magkapareho ang birthday, July 12, 1986, ng dalawang Alice Guo.
Bukod sa pareho ang kaarawan, pareho ring nakatala na sa Tarlac sila ipinanganak.
"Is it a coincidence na may dalawang Alice Leal Guo na pinanganak on July 12, 1986, sa Tarlac? Is it a coincidence that this NBI clearance was applied for just a few days before the date of filing of the delayed registration of birth of the other Alice Leal Guo in Tarlac City? Or is this a case of stolen identity?" tanong ng senadora.
"Has Guo Haping assumed the identity of a Filipino woman and then nearly a decade later, ran for public office? Sino po ang babaeng ito na may pangalang Alice Leal Guo pero hindi kamukha ni Mayor? Nasaan na po siya ngayon?" tanong pa ni Hontiveros.
Una rito, nagpakita si Senador Sherwin Gatchalian ang tala mula sa Board of Investments ng pamilya Guo para sa aplikasyon ng Special Investors Resident Visa (SIRV).
Batay sa dokumento, isang Guo Hua Ping ang dumating sa Pilipinas noong Enero 12, 2003 noong 13-anyos pa lang siya.
"Alice Guo might be Guo Hua Ping who entered the Philippines on January 12, 2003 when she was 13 years old. Her real birth date is on Aug 31, 1990," sabi ni Gatchalian.
Hiniling ni Hontiveros sa NBI ang biometrics ng Guo Hua Ping at Mayor Alice Guo para maikumpara ang kanilang fingerprints.
"Bakit kailangan ni Guo Hua Ping nakawin ang pagkatao ni Miss Alice Leal Guo kung mayroon na siyang validly-issued investor's visa na papahintulutan siya mamalagi dito?," saad ng senadora.
Hindi naman nakadalo sa naturang pagdinig ang suspendidong alkalde. Ayon sa kaniyang abogado na si Atty. Stephen David, may sakit at na-stressed umano ang kaniyang kliyente.—mula sa ulat ni Hana Bordey/FRJ, GMA Integrated News