Mula sa sahod na P10,000 kada buwan, nakapagtayo ng sariling negosyo na longganisa ang isang 28-anyos na babae sa Cavite. Ang kinikita na niya ngayon sa longganisa, umaabot na sa six-digit bawat buwan.
Sa programang "Pera Paraan," ibinahagi ni Lyka Beltran, may-ari ng Hannavees's meatshop, na mas mura ang presyo ng longganisa kaysa tocino kaya ito ang kaniyang naisipang gawing negosyo.
Mahilig din umanong magluto ang kaniyang mga magulang at namana niya ito. Ang kaniyang longganisa, mayroong tatlong flavour: hamonado, garlic, at spicy.
Ayon kay Lyka, gawa sa pork ang kaniyang hamonado, habang chicken meat naman ang laman ng garlic at spicy flavours.
Ang kanilang best seller, ang garlic longganisa.
Kuwento pa niya, mahabang proseso raw ang kaniyang ginugol bago niya nakuha ang tamang timpla ng kaniyang longganisa, at kung papaano napapatagal ang shelf life nito.
Noong una, mag-isa lang na ginagawa ni Lyka ang kaniyang longganisa. Ginagawa niya ito pag-uwi niya sa bahay pagkagaling sa trabaho. Kung minsan, inaabot siya ng madaling araw
"Ako lang mag-isa so ang hirap marami akong tinry. Sabi ko iluto sa kawali mali pa pala 'yon. Tapos pangalawa naman sa steam mali na naman kasi sumasabog yung casing. Hanggang sa ma-perfect ko siya, hindi ako nawalan ng pag-asa," saad ni Lyka.
Ang bawat kilo ng longganisa, ibinebenta ni Lyka ng P120 kada kilo sa mga reseller. Mura man, pero hindi raw tinipid ang sangkap.
Paliwanag ni Lyka, ang maliit na ang kita, lalaki kapag marami ang bumili ng produkto.
Ngayon, umaabot sa 800 kilo ng longganisa ang kanilang nagagawa sa isang araw. Wala raw preservatives ang longganisa ni Lyka, kaya pinapausukan nila ito para tumagal ang shelf life o hindi kaagad masira lalo na kung sa malayong lugar ipapadala.
Dahil sa kaniyang negosyo na pang-limang taon na ngayon, nakapagpundar na umano ng mga gamit si Lyka at nakatulong sa kaniyang pamilya.
Bukod doon, nabigyan niya ng trabaho ang kaniyang mga kapitbahay. Pero papaano nga ba ginagawa ang longganisa ni Lyka? Panoorin ang buong kuwento sa video.-- FRJ, GMA Integrated News