Malaking pagsubok kaagad ang hinarap ng isang bagong kasal sa Zamboanga del Sur nang biglang magka-amnesia ang groom at hindi na makilala ang kaniyang bride isang araw lang matapos ang kanilang kasal sa simbahan. Bakit nga ba ito nangyari at maibabalik pa kaya ang alaala ng lalaki?

Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," napag-alaman na halos isang dekada na ang relasyon nina Jan at Loaren "Beng" Campaner, na mula sa Pitogo, Zamboanga del Sur.

Nagkakilala sa trabaho ang dalawa at naging magkaibigan, hanggang sa mauwi sa pag-iibigan, na nagbungan ng dalawang anak.

Ayon kay Beng, noon pa man ay pangarap na raw nila ni Jan na maikasal sa simbahan. Kaya naman maituturing na araw na hindi nila malilimutan ang Mayo 18, ang araw ng kanilang kasal.

Ngunit isang araw pa ang makaraan ang kanilang kasal, may hindi magandang nangyari sa bahay nina Beng nang makaalitan niya ang kaniyang biyenan na babae na ina ni Jan.

Noon pa man, hindi na boto ang pamilya ni Jan kay Beng dahil nagkaroon ito ng dating karelasyon.

Subalit nanaig ang pagmamahalan nina Beng at Jan sa isa't isa kaya nagsama pa rin sila, hanggang sa maganap na nga ang kasal.

Ang pagtatalo ng mga kaanak ni Beng sa ina ni Jan, tila hindi kinaya ng groom kaya iniuntog niya nang malakas ang kaniyang ulo sa sahig na dahilan para siya nanigas at tumirik ang mga mata.

Isinugod sa ospital si Jan matapos ang pangyayari at mula noon ay nawala na ang kaniyang alaala-- maging ang kaniyang kasal, nakalimutan na niya.

Ayon kay Beng, maging ang kanilang mga anak ay hindi na rin nakilala ni Jan. May pagkakataon pa umano na naitulak ni Jan ang anak nilang babae na hahalik sana sa kaniyang ama.

"Hindi ko lubos maisip na yung mismong kasal namin dapat po pinakaimporteng bagay na dumating sa buhay namin, biglang nawala lahat ng memories na sobrang saya namin," emosyon na pahayag ni Beng.

Nang unang mga araw matapos ang insidente, hindi rin nagsasalita si Jan at lagi lang tulala. Para maipaalala ni Beng ang mga alaala ng kasal nila, isinabit niya sa dingding ang kanilang isinuot sa kasal, at ipinapakita raw niya ang mga larawan nila at video.

"Yon 'yung paulit-ulit kong sinasabi sa kaniya na ikinasal na tayo, ito yung suot mo, dito tayo ikinasal sa simbahan," saad ni Beng.

Ayon kay Dra. Lovelle Ditucalan-Escudero, adult neurologist, nagkaroon si Jan ng traumatic brain injury na nagdulot ng retrograde amnesia, na dahilan kaya hindi niya maalala ang mga nagdaang pangyayari at hindi rin makilala ang kaniyang asawa at mga anak.

Nakitaan din si Jan ng depresyon na nakakaapekto rin sa pagbabalik ng kaniyang alaala.

May pag-asa pa kayang bumalik sa alaala ni Jan, at makatulong kaya kung babalik sila ni Beng sa simbahan kung saan sila ikinasal at muli nilang isusuot ang kanilang damit pangkasal? Tunghayan sa video ang buong kuwento. --FRJ, GMA Integrated News