Nakalaya na sa New Bilibid Prison ang 85-anyos na si Gerardo dela Peña, ang pinakamatandang political prisoner sa bansa, ayon kay Bureau of Corrections (BuCor) director general Gregorio Catapang Jr.
Sinabi ni Catapang na binawasan ng Malacañang ang sentensiya ni Dela Peña, kasama na rin ang kaniyang good conduct time allowance kaya maaga siyang napalaya.
Linggo ng gabi nang sunduin umano ng kaniyang anak si Dela Peña, ayon sa opisyal ng BuCor.
"They went straight to their home in Camarines Sur," sabi ni Catapang sa GMA News Online.
Sa kautusan na pirmado ni Executive Secretary Lucas Bersamin, ibinaba ang sentensiya ni Dela Peña sa 12 taon. Dahil naman sa GCTA credits na 11 buwan at 15 araw, umabot na ang pananatili ni Dela Peña sa kulungan ng mahigit 12 taon.
Ikinatuwa naman ng grupong Kapatid ang pagpalaya ni Dela Peña.
"We are very happy that Tatay Gerry can finally return home to his family and reunite with his wife Pilar in their twilight years. His release is a milestone for human rights campaigns, but also serves as a stark reminder of the obstacles that impede the release of political prisoners," ayon kay Fides Lim.
"Tatay Gerry's journey to freedom was very difficult because of systemic challenges and bureaucratic delays,” dagdag niya.
Si Dela Peña ay dating pinuno ng Camarines Norte chapter ng Samahan ng Ex-Detainees Laban sa Detensyon at Aresto (SELDA).
Inaresto siya noong March 21, 2013 at kinalaunan ay hinatulang makulong sa kasong murder noong 75-anyos na siya.
Ayon sa Kapatid, hinatulan pa rin si dela Peña sa kasong ibinibintang sa kaniya kahit inamin umano ng New People's Army ang pagkakasala, at suportado ng katibayan ang pagiging inosente niya.—FRJ, GMA Integrated News