Napulot ng building attendant sa ilalim ng mga upuan ang dalawang piraso ng medyas na may laman na mga dolyar sa terminal 3 ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA). Ang katumbas na halaga nito, mahigit P1 milyon.
Sa ulat ng GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing naglilinis na ang building attendant na si Rosalinda Cellero nang mawalis niya sa ilalim ng upuan ang dalawang medyas.
Nang suriin ang laman nito, nakita ang mga dolyar na nagkakahalaga ng $18,000 o katumbas ng mahigit P1 milyon.
Sa pahayag, pinuri ng pamunuan ng Manila International Airport Authority ang katapatan ni Cellero na nagsauli ng naturang pera.
“We are delighted to have individuals like Rosalinda who exemplify strength of character and righteousness in the face of tempting situations," sabi ni MIAA General Manager Eric Jose Ines.
"Her action is a testament to the values we uphold in NAIA. Truly, there are angels in our midst,” dagdag pa niya.
Sinuri na ng MIAA ang CCTV footage sa lugar kung saan nakita ang medyas para malaman kung sino ang may-ari nito, na maaaring makipag-ugnayan sa tanggapan ng paliparan. —FRJ, GMA Integrated News