Sa halip na tuluyang magkalayo sina Nash Aguas at Mika Dela Cruz matapos ang kanilang breakup, tila ito pa ang naging daan upang mapadali ang kanilang kasal. Alamin kung ano nga ba ang nangyari.
Sa panayam ng GMA show na "Unang Hirit," inilahad ni Mika na naapektuhan ng kaniyang usapin sa kalusugan at pagkamatay ng kanilang mga magulang, ang relasyon nila ni Nash.
"We came to a breaking point," saad ni Mika na nauwi sa hiwalayan ng dalawa noong Agosto 2023.
Kasama sa kanilang paghihiwalay ang pagtigil ng kanilang komunikasyon at ugnayan.
Pero papaano sila nagkabalikan?
Ayon kay Mika, walang nangyaring panunuyo para magkabalikan sila. Basta isang araw, pinuntahan siya ni Nash at inalok siya ng kasal.
"August 3 [kami] naghiwalay, hindi kami magkausap. Pumunta na lang siya sa bahay bigla nung January 4 tapos nag-propose," natatawang kuwento ng aktres.
Ayon kay Nash, bago pa man sila maghiwalay ni Mika, may plano na talaga siyang mag-propose sa nobya.
"First time I sought His will, sabi ko, Lord, bakit ganun, bakit parang may mali? Pinag-pray ko na, if it's Your will, then Your will be done. Pero if hindi kami para sa isa't isa, sana paadaanin mo na sa kanya, kasi 'di ko kayang makipag-break kasi I love her too much," ani Nash.
"We were a mess, pero 'yung nandoon lang is 'yung pagmamahal namin sa isa't isa," patuloy ng aktor.
Nang magkabalikan na, sinabi ni Mika na naging kakaiba ang lahat at nakaramdam siya ng kapayapaan.
"What happened was really God doing his work sa aming dalawa," sabi ni Nash.
Ayon kay Mika, mas masaya ang pagsasama nila ngayon ni Nash, na inayunan naman ng aktor lalo na nang ikinasal sila.
Matapos kumpirmahin noong 2018 ang kanilang relasyon, ikinasal ang dalawa nitong nakaraang Mayo.
Ibinahagi rin ng dalawa na pinili nilang gawing intimate at tanging miyembro lang ng pamilya ang imbitahan sa kasal dahil ayaw nilang mamili mula sa napakarami nilang kaibigan kung sino ang padadaluhin sa kanilang kasal.
Pero nagulat sina Mika at Nash sa ginawa ng kanilang mga kaibigan na labis nilang ikinatuwa. Alamin kung ano ito sa kanilang kuwento sa video. Panoorin.—FRJ, GMA Integrated News