Ipinakita ni Barbie Forteza ang kaniyang husay, hindi lang sa pagbigkas ng tula, kundi maging sa pagpapamalas ng emosyon sa kaniyang monologo ng isang tula na tungkol sa pakikipaglaban para sa kalayaan ng "Inang Bayan."
Ang tula ay tungkol sa pagmamahal at pakikipaglaban para sa Inang Bayan, kasabay ng pagdiriwang ng bansa sa Araw ng Kasarinlan ngayong Miyerkules.
Sa video na naka-post sa YouTube na may titulong “Ipaglaban ang ating Inang Bayan,” makikita na nakabihis ng 1940s-inspired dress si Barbie, na kabilang sa mga bida sa upcoming GMA series na "Pulang Lupa."
Sa simula ng video, puno ng pasasalamat mensahe ng tula para sa mapag-arugang magulang sa kaniyang anak.
"Sa iyong maasahang mga ngiti'y nabubuhay yaring pag-asa, na ang magandang ngayon at bukas ay aking masisilayan," bigkas ni Barbie na may maamo at masayang emosyon.
Nagpatuloy pa ang tula tungkol sa pagmamahal at mga leksyon ng ipinagkaloob ng mga magulang, habang bakas ang liwanag ng ilaw sa kaniyang likuran.
Pero kasabay ng biglang pagdilim ng background, ang unti-unting magbabago ang emosyon ni Barbie na mahahaluan ng galit nang mabanggit na ang panghihimasok at magmamalupit ng mga dayuhan.
"Ano'ng hindi gagawin para sa iyo o aming inang bayan? Maging itong abang buhay ay nahahanda kong ialay," mariin niyang sambit.
Tumagal ng mahigit isang minuto ang video na umaani ng paghanga at nagpatindig umano ng balahibo sa mga nakapanood.
Mula sa kaniyang karakter na si Klay sa dating serye na "Maria Clara at Ibarra," gagampanan naman ngayon ni Barbie ang role ni Adelina, na isang vaudeville star, sa inaabangang serye na “Pulang Araw.”
Ang “Pulang Araw” ay tungkol sa apat na magkakaibigan na sina Adelina (Barbie), Teresita (Sanya Lopez), Hiroshi (David Licauco), at Eduardo (Alden Richards), sa panahon ng pananakop ng puwersang Hapon sa Pilipinas.
Kasama rin sa serye sina Dennis Trillo at Rhian Ramos.
Unang mapapanood ang “Pulang Araw,” sa Netflix sa July 26 at ipalalabas sa GMA Prime sa July 29.-- FRJ, GMA Integrated News