Sa ulat ni Nico Waje sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing nag-viral sa social media si Abby dahil sa ginawa niyang pagsasakripisyo na naging daan para makapagtapos sa kolehiyo ang apat niyang kapatid.
Ang mga kapatid ni Abby, nagtapos ng kursong Bachelor of Science (BS) in Agriculture, BS in Hotel and Restaurant Technology, BS in Marine Transportation at BS in Hotel Management.
Napilitan si Abby na tumigil noon sa kolehiyo matapos na hindi na sila suportahan ng kanilang ama mula nang maghiwalay ang kanilang mga magulang.
Hindi naman makapagtrabaho noon ang kanilang ina dahil inaalagaan nito ang kanilang lola.
"Pumasok sa utak ko that time na ako yung eldest, so ako parang dapat yung mag-work. Yung mga kapatid ko na sobrang nakakaawa talaga batang-bata pa. Sila talaga yung motivation ko na magpatuloy," naluluhang sabi Abby.
Mula sa Bohol, nagtungo si Abby sa Maynila para maghanap ng trabaho pero sa Cebu siya nakapasok bilang call center agent.
"Sobrang hirap po talaga. Siguro 80% ng suweldo ko binibigay ko sa mama ko. Hinihiram niya pa yung pang-allowance ko. Minsan nagigising na lang ako umiiyak din na parang nagkaka-anxiety, paano yung wala akong kainin, walang pamasahe," balik-tanaw niya.
Nang magkaroon ng pandemic noong 2020. lumipat si Abby sa live online selling. Pero sa bawat kapatid na nagtatapos sa kolehiyo, nakakatulong na rin niya para makapagtapos ang iba pang kapatid.
Naging kaagapay din ni Abby sa pagtaguyod sa kaniyang pamilya ang dati niyang nobyo na naging asawa niya na si John.
"Every sweldo niya talaga almost 80-100 percent binibigay niya talaga sa family and ako, wala naman akong sinusuportahan kasi di naman ako panganay so ako na lang tumutulong sa kanya," ayon kay John.
Ang kapatid ni Abby na Queenie, labis ang pasasalamat sa ginawa ng kanilang ate para sa kanila.
"Gusto kong magpasalamat, grabe yung sakripisyo na binigay niya. Bihira yung eldest na ganito na tatalikuran talaga yung pag-aaral," ani Queenie.
Ngayong nakatapos na sa pag-aaral ang kaniyang mga kapatid, sinabi ni Abby na unti-unti na niyang nagagawa ang mga bagay na hindi niya nagawa noon.
"Slowly, hini-heal ko na yung inner child ko. Ginagawa ko na yung mga bagay na di ko nagawa dati," sabi ni Abby. "I’m also planning na I-pursue yung studies ko rin e." --FRJ, GMA Integrated News