Kung idinadaan sa masasayang sayawan at makukulay na costume ang Sinulog Festival sa Cebu, ginagamitan naman ng itak at puwede ring idaos sa kasalan ang “Sinulog” sa Iloilo. Alamin kung saan nagsimula ang kanilang tradisyon.
Sa nakaraang episode ng “iJuander,” itinampok ang seremonya ng bagong kasal na sina Janiemae at Remond Cabaluna, na viral dahil tila nagsasabong ang mga itak at ilang hakbang lamang ang layo sa kanila.
Ikinuwento ng mag-asawa na bago nito, pitong taon muna silang magkasintahan. Sa ika-anim na taon ng kanilang relasyon nang mamanhikan na ang pamilya ni Remond sa pamilya ni Janiemae.
Nilinaw ng mag-asawa na walang dapat ikabahala sa mga lalaking may itak na tila na naglalaban sa kanilang seremonya.
Paliwanag nila, “Sinulog” din ang tawag sa sagupaan ng itak sa kanilang lugar, na bahagi na ng tradisyon sa tuwing may okasyon o pagdiriwang.
Ayon naman sa ilang matatanda sa Iloilo, pantanggal ito ng malas.
“Tradisyon talaga namin sa bukid ‘yung mga sayaw kasi every fiesta or kasal or libing, meron talaga rito sa amin. Nalaman namin ang Sinulog sa mga matatanda at mga ninuno namin,” sabi ni Janiemae.
Sa Sinulog sa Iloilo, isang grupo ang “on-call” na iimbitahan para magsayaw, at props nila ang “ginunting” o kanilang lokal na tawag sa itak.
Ayon naman kanilang tribu, bagama’t nakasanayan na nila, hindi nila tiyak kung saan at kung paano ito nagsimula.
Nang ipasuri sa mga eksperto, wala ring makapagsabi kung saan nagsimula ito.
“Ang Sinulog nila ay maiuugat doon sa kalis. Kalis is a form of martial arts na isinasagawa ng mga sinaunang Pilipino. Instead na kalis, ipinasok nila ito as Sinulog, and eventually naiuugnay din ito sa arnis,” sabi ng historian na si Assistant Professor Jasper Christian Gambito.
“Ang mga ritual dances ay, sang-ayon sa mga antropologo, maituturing natin bilang expression ng isang komunidad,” dagdag ni Gambito.-- FRJ, GMA Integrated News