Matinding lungkot ang nararamdaman ng tinaguriang “Pinoy Bird Whispherer” sa Real, Quezon matapos siyang madetine ng ilang araw at makumpiska ang mga alaga niyang ibon dahil sa kawalan ng kaukulang permit. Maibalik pa kaya ang mga ibon sa kaniya?
Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” ipinamalas ni Estong Merino ang kakaiba niyang abilidad na paamuhin at tila makipag-usap sa mga ibon na kaniyang ni-rescue.
Pito ang kaniyang mga alagang ibon, kabilang ang mga maya, uwak at Kingfisher. Ang mga alaga, itinuturing daw niyang mga tunay na anak.
Ang ibang ibon na nasasagip ni Merino, ibinabalik niya sa wild kapag malakas na.
“Wala akong anting, wala akong bertud, wala akong sikreto. Ang sikreto ko lang, mahal na mahal ko sila,” sabi ni Merino, na nakagawa na rin ng sarili niyang lenggwahe sa kaniyang mga ibon.
Ngunit noong matapos na ang coverage ng team ng KMJS at pabalik na sa Maynila, napag-alaman na inaresto si Merino at idinetine sa presinto sa Real.
May nagpunta umanong mga awtoridad sa kaniyang bahay at kinumpiska rin kaniyang ang mga alagang ibon.
Ayon sa Department of Environment and Natural Resources, nagbabala na sila noon kay Merino na gawing legal ang pag-aalaga niya ng mga ibon.
“Although pinupuri natin si Estong dahil siya’y may pagmamalasakit sa mga hayop. Pero when it comes to caring the wildlife, nagkulang siya dahil kailangang may permit,” sabi ni Bryan Potestades, ng Real Municipal Environment and Natural Resources Office.
Nakasalig umano sa Republic Act 9147 o The Wildlife Resources Conservation and Protection Act ang pagkuha ng permit para sa pag-aalaga ng mga hayop ilang o wild animals.
Matapos madetine ng apat na araw, nakalaya pansamantala si Merino matapos magpiyansa ng P3,000.
Ngunit nabalot siya ng kalungkutan nang umuwi siya dahil wala na ang mga alagang ibon na kaniyang sinagip at pinalaki.
Maibalik pa kaya kay Merino ang ang mga ibon? Tunghayan ang buong kuwento sa video ng KMJS.-- FRJ, GMA Integrated News