Sa kabila ng kaniyang edad na 97, kumakayod pa rin ang isang lola sa pagbebenta ng mga samu’t saring abubot na gawa niya sa isang bangketa sa Maynila para suportahan ang sarili. Sapat ba ang P1,000 kada buwan na ayuda ng gobyerno para sa kaniyang mga pang-araw-araw na gastusin?
Sa programang Reporter’s Notebook, sinubaybayan ang pagtitinda ni lola Florirose "Rose" Talastas sa may bangketa sa Legarda.
Inilatag ni Nanay Rose ang sapin upang ihilera niya ang mga bead at makagawa ng mga pulseras na kadalasang mga estudyante ang bumibili.
Dalawang taon nang nagtitinda sa bangketa si Lola Rose, na dating nagtrabaho bilang traffic officer sa Manila City Hall.
Ngunit dahil isa lamang siyang volunteer, walang naihulog sa kaniyang Social Security System (SSS) at Government Service Insurance System (GSIS) si lola Rose.
Nasawi ang mister ni Lola Rose noong 2015 dahil sa aksidente. Magmula noon, siya na ang dumidiskarte upang buhayin ang kaniyang sarili.
Benepisyaryo ng social pension si Lola Rose, kung saan nakatatanggap siya ng P1,000 ayuda kada buwan.
Bagama’t malaking tulong ang ayudang P1,000 kada buwan, pero hindi ito sapat.
“Kulang na kulang. Ang mahal ng bilihin. Isang kain lang ngayon, P100 na,” sabi ni Lola Rose.
Sinamahan ng GMA Integrated News si Lola Rose sa Office of Senior Citizen Affair ng Manila City Hall.
Bukod sa P1,000 na social pension ng DSWD, nakatatanggap din si Lola Rose ng dagdag allowance mula sa LGU na P500 kada buwan para sa senior citizens.
Bilang tulong, nagpaabot din ng tulong medikal ang Manila LGU kay Lola Rose, at isinailalim siya sa medical checkup at ipinatingin ang kaniyang mata.
“Talagang lumulobo ang cost of living. Dapat maintindihan din natin na wala tayong maibibigay kundi dapat maisabatas. We really have to rely on what the law provides,” sabi ni Atty. Franklin Quijano, chairperson/CEO ng National Commission of Senior Citizens.
Pinirmahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nitong Pebrero ang Expanded Centenarians Act of 2016 na makakatanggap ng P10,000 cash incentives ang mga senior citizen edad 80, 85, 90 at 95, at P100,000 cash incentives naman para sa mga senior citizen na aabot ng 100 taon.
Kasalukuyan pang hinihintay ang implementing rules and regulations o IRR ng batas.
Sa edad ni Lola Rose na 97, maaari siyang makatanggap ng hindi bababa sa P10,000 batay sa nasabing batas, depende sa lalamanin ng IRR. At pagkaraan ng tatlong taon, puwede siyang makatanaggap ng P100,000. -- FRJ, GMA Integrated News