Inilahad ni Danica Sotto na hindi niya naiwasang mapikon sa intriga na nambabae umano ang kaniyang mister na si Marc Pingris.
Sa panayam ng “Updated with Nelson Canlas” podcast, sinabi ni Danica na nakapag-move on na sila ni Marc sa naturang isyu pero may mga nais siyang linawin.
Noong kainitan ng alegasyon, sinabi ni Danica na nag-post siya ng quote tungkol sa betrayal at loyalty sa kaniyang Instagram Stories. Pero paglilinaw niya, ibang tao ang kaniyang pinatutungkulan sa post.
“I post because I like the quote or sometimes, noong time na iyon, aaminin ko, it was a feeling that I was feeling about someone else, na parang napipikon ako sa isang tao. And that is a person na nangloko sa amin sa negosyo. A person we truly trusted,” paliwanag niya.
Hanggang ngayon, pinagdadaanan pa raw nila ang sinasabing pagsubok sa negosyo.
“This tabloid, ang ginawa, kinuha ‘yung quote ko na ‘yun. Sinabi na I'm confirming daw the issue kasi pinapatamaan ko daw si Marc. Pero hindi na ako nagsalita,” sabi pa ni Danica.
Dahil sa nangyari, sinabi ni Danica na nag-usap sila ni Marc at nagkasundo na huwag nang mag-post ng tungkol sa mga quote na maaaring maging iba ang pagkakaunawa ng makakabasa.
“So, parang doon pumasok 'yung communication namin na usap,” anang aktres.
“Tapos ako naman sa side ko, pinagsabihan ko lang siya na, ingat sa mga nakakasama, ingat sa mga pinupuntahan. Minsan kasi, sa'yo wala lang ‘yun, you're too friendly or—hindi friendly, accommodating. Diba? ‘Yung parang, oh, ito chika-chika. Ganoon naman mga basketball player e,” dagdag ni Danica.
Sinabi rin ni Danica na hindi niya naiwasan na mahaluan ng tawa ang pagkapikon dahil may mga tao na mahusay na "magtahi-tahi" ng kuwento.
“Tapos ‘yun lang gagawin ng mga tao, gagawan ng butas, pagdidikit-dikitin, tatagpi-tagpiin,” sabi pa ni Danica na dahilan para mabigyan ng malisya at ibang kulay ang post.
Ayon kay Danica, hindi na siya naapektuhan ng mga tsismis dahil nasanay na siya bilang bahagi ng showbiz industry.
“Ang dami pa nga nilang may mga chinismis pa sila before about my dad, (Vic Sotto). May ganito daw na anak na. Oh my gosh, ang sinungaling talaga,” patuloy niya.
Gayunman, aminado ang aktres na ibang usapan kapag idinadamay ang kaniyang mga anak.
“Siyempre, napikon ako pag anak mo na ‘yung tinitira. May sasabihin na masama, na very very foul,” paglalahad niya. “I think 'yung foul doon is parang may mga sinabi na it's the karma of my parents. ‘Yung ganoon.”
Dagdag niya, “Ang rude. Diba na parang, oh yeah, dahil sa mga kasalanan ng mga magulang kaya nagsasabi. Parang gusto kong sabihin, first of all, mali ang statement na ‘yan. And pangalawa, hindi niyo alam ‘yung buong story. Nag-speculate na kayo hindi niyo alam kung anong totoo at hindi.”
Nitong nakaraang Marso, naintriga si Marc na kasama ang aktres na si Kim Rodriguez dahil sa parehong larawan nila na may background ng Sydney Opera House, na kuha pala sa magkaibang pagkakataon nang magkahiwalay na namasyal sa lugar ang dalawa.
"Walang katotohanan ang mga lumalabas na balita tungkol sa amin ni Ms. Kim Rodriguez. Walang namamagitan sa aming dalawa gaya ng sinasabi ng ibang tao," ani Marc sa isang post para linaw ang naturang intriga sa social media.
"OK kami ng pamilya ko. Wag na po tayo magpakalat ng mga balita na hindi totoo. Humihingi po kami ng respeto para hindi madamay ang mga anak namin ni Danica. Salamat po at God bless po," pakiusap niya.
Itinanggi rin ni Kim ang maling hinala tungkol sa kanila ni Marc. — FRJ, GMA Integrated News