Sinabi ni Salvador Medialdea, na dating Executive Secretary ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, na nabuo umano ang kasunduan sa China na pagkain at tubig lang ang puwedeng dalhin sa mga sundalong nasa Sierra Madre na nakasadsad sa Ayungin Shoal, noong 2013 sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Benigno "Noynoy" Aquino III, na pumanaw na noong 2021.

Inihayag ito ni Medialdea, sa isinagawang pagdinig ng House Committee on National Defense and Security, at Special Committee on West Philippine Sea, nitong Martes, kaugnay sa umano'y “gentleman’s agreement” na pinasok ni Duterte sa pamahalaan ng China.

“The information I gathered was that there was a previous commitment that food and water will be allowed to be shipped to the debilitated vessel since 2013,” ayon kay Medialdea.

“That’s what I gathered when the decision came out 12 days after we assumed office. I was just asking around what’s the present status of the Ayungin Shoal because I know there was a vessel there,” dagdag pa niya.

Taong 2016 nang nanalong pangulo si Duterte, ang taon din kung kailan lumabas ang desisyon ng Arbitral tribunal na pabor sa Pilipinas kaugnay sa kasong isinampa ng administrasyong Aquino sa panghihimasok ng China sa West Philippine Sea.

Ayon kay Medialdea, si dating Defense Secretary Voltaire Gazmin umano ang pumasok sa sinasabing kasunduan tungkol sa Ayungin Shoal noong 2013, kasama ang noo'y Chinese Ambassador to the Philippines na si Ma Keqing.

Sinabi ni Medialdea na "iginalang" lang umano ng Duterte administration ang naturang kasunduan na pinasok ng pinalitan nilang administrasyong Aquino.

“Alam ko, may continuation ‘yung ano na ‘yan because that was respected. We had to follow that 'di ba…for us to move on,” saad niya.

“Remember, we just assumed office 12 days earlier. Hindi natin alam itong ano na ‘to. Tingnan natin kung ano makakabuti sa paglabas ng desisyon. Remember, we haven’t received a copy of the decision at that time. It came out two weeks after, I think, when we were given a copy of the decision,” dagdag pa niya.

Sabi pa ng dating executive secretary tungkol sa paggalang sa umano'y kasunduan, “And I think President Duterte was of the position that we respect this first, because this is a new one. In the same manner that when President Marcos came into office, he rescinded what the arrangement was all about--agreement, which we do not even know up to now what it is.”

Gayunman, ipinagtaka ng ilang kongresista kung bakit ipinagpatuloy ng Duterte government ang sinasabing kasunduan sa Ayungil Shoal--kung totoo--kahit lumabas na ang Arbitral ruling na pabor sa Pilipinas.

“The arbitral court declared that Ayungin was ours, that we have sovereign rights over that area. We could have done what we wanted to do there. In fact, we could do anything, but we did not,” puna ni Mandaluyong Rep. Rep. Neptali Gonzales II, pinuno ng House special committee on the West Philippine Sea.

Sinabi naman ni dating Defense Secretary Delfin Lorenzana, na walang impormasyon na ibinigay sa kaniya si Gazmin kaugnay sa sinasabing kasunduan.

Ayon kay Lorenzana, nagdala ang Duterte administration noong 2021 ng ibang repair materials sa BRP Sierra Madre para kumpunihan ang maliit na bahagi ng barko para sa mga sundalo.

Wala naman daw natatandaan si Department of Foreign Affairs (DFA) Assistant Secretary Aileen Mendiola-Rau, tungkol sa sinasabing kasunduan.

“The 2013 statement that’s been discussed was a statement allegedly made by Secretary Gazmin of the DND. The DFA cannot make any determination on this one. I would have to defer to my colleagues,” sabi ni Mendiola-Rau.

Hinihintay pa ng GMA News Online ang reaksyon ng panig mula sa Aquino administration tungkol sa isiniwalat ni Medialdea.

Unang lumabas ang usapin tungkol sa umano'y "gentleman’s agreement" sa Ayungil Shoal noong nakaraang Marso mula sa pahayag ng dating spokesman ni Duterte na si Atty. Harry Roque.

BASAHIN: Roque: Duterte at Xi, may 'gentleman’s agreement' noon tungkol sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal

Ayon kay Roque, ang naturang kasunduan ay ginawa umano nina Duterte at Chinese President Xi Jinping, na pagkain at tubig lang dadalhin sa BRP Sierra Madre.

Ginawa ni Roque ang pahayag kasunod ng pambobomba ng tubig ng China Coast Guard sa mga barko ng Pilipinas na magdadala ng supply sa nakasadsad na barko.

Pero binawi rin ni Roque kinalaunan ang naturang pahayag niya at sinabing ang naturang kasunduan ay patungkol sa "status quo" o walang pagbabago sa buong West Philippine Sea, at hindi partikular tungkol sa Ayungin shoal.

BASAHIN: Harry Roque, may nilinaw tungkol sa umano'y 'gentleman's agreement' ni ex-Pres. Duterte sa China

Bukod dito, ilang opisyal din ng Duterte administration--kabilang si Atty. Salvador Panelo, dating chief presidential legal counsel, ang nagsabing walang katotohanan ang sinasabing gentleman's agreement.

Maging si National Security Adviser Eduardo Año, na kalihim ng Department of the Interior and Local Government sa Duterte administration, sinabing walang katibayan na nagpapatunay ng gentleman's agreement noong panahon ni Duterte.

Taong 2021 nang pumanaw si Aquino dahil sa karamdaman. —mula sa ulat ni Giselle Ombay/FRJ, GMA Integrated News