Gaano nga ba katotoo at makikita pa ba ang sinasabing misteryosong kuweba na nasa gilid ng Ilog Pasig na hango ang pangalan sa isang karakter sa El Filibusterismo ni Dr. Jose Rizal-- si Doña Geronima?
Sa isang episode ng "I-Juander," ipinakita ang sinasabing lumang mapa ng Pasig na may nakasaad na "cueva" sa daluyan ng ilog.
At sa modernong mapa naman ngayon, makikita ang marka sa kaparehong lugar na may nakasaad na "historic cave of Doña Geronima."
Ayon kay Francisco De Leon na punong barangay ng Pineda kung saan nasasakop ang kuweba, hinukay umano noong 1973 ang bunganga ng kuweba.
Pero sa paglipas ng panahon, muli na umano itong natakpan ng mga debris gaya ng nabuwal na mga puno at halaman.
Ayon sa mga kuwento, ang pangalan ng kuweba ay hango sa karakter mula sa akda ni Jose Rizal na El Filibusterismo na si Doña Geronima.
Ibinahagi ni Prof. Nestor Castro, isang cultural anthropologist, mayroong kuwento na si Doña Geronima na isang mayamang Pilipina ay mayroong nobyong Espanyol.
Nang umalis ang Espanyol, nangako ito kay Doña Geronima na babalik.
Tinupad ng Espanyol ang pangako, ngunit bumalik ito na isa nang alagad ng Simbahan na Kardinal ng Maynila.
Mula noon, sa naturang kuweba na umano tumira si Doña Geronima hanggang sa lumaki ang kaniyang katawan at nahirapan nang maglabas-pasok sa makipot na daanan ng kuweba.
"At nagpasalin-salin na 'yon at nagkaroon ng ibang bersiyon ng kuwento," ayon kay Castro.
Ngunit totoo nga ba ang kuweba at makikita pa rin kaya ito ngayon? Tunghayan sa video ang buong kuwento kung saan pinuntahan ni Castro ang lugar na sinasabing bunganga ng kuweba. Panoorin.-- FRJ, GMA Integrated News