Para maipakita ang kahalagahan ng pahinga, isinagawa ang "power nap competition" sa South Korea kung saan nagpaligsahan sa mahimbing na tulog sa loob ng mahigit isang oras ang mga kalahok.
Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, makikita sa video na kani-kanilang hilata ang mga kalahok sa mga airbag couches.
Ang mekanismo ng kontes, dapat silang matulog sa loob ng isa at kalahating oras. Pero sa kanilang pagtulog, may magtatangkang abalahin sila gaya ng mga bulungan at pagkiliti.
Sinusukat din ng mga organizer ang kanilang heart rate para malaman kung sino mananalo.
Ang kalahok na may pinakamalaking pagkakaiba ang heart rate bago at habang natutulog, sila ang mananalo.
Ang heart rate raw kasi ang basehan kung masarap o mahimbing ang naging tulog ng isang tao.
Ang mga nanalo, nakatanggap ng gift certificate at gadgets.
Ayon sa mga organizer ng kontes, nais nilang ipaalam sa mga tao ang kahalagaan ng tulog. Gusto rin nilang bigyan ang mga kulang sa tulog ng lugar na puwede silang panandaliang makapagpahinga.
Inihayag ng National Assembly ng South Korea, na ang mga mamamayan nila ang isa sa mga pinaka-sleep-deprived na mga tao sa mundo.
Umaabot lang umano sa pito at 41 minuto ang tulog ng mga South Korean, kumpara sa world average na walong oras at 22 minuto.-- FRJ, GMA Integrated News