Inihayag ni Paolo Contis na hindi siya pabor sa paggamit ng terminong "bakla," at iginiit na pantay-pantay ang lahat ng tao.
"Ayoko 'yung term na bakla, we're all human beings, ganu'n lang kasimple 'yun. Hindi ko alam kung bakit nagkaroon ng 'babae,' 'lalaki,' 'bakla.' I mean, it's just too much," sabi ni Paolo sa "Fast Talk with Boy Abunda."
Ayon kay Paolo, ito ang kaniyang natutunan sa mga kaibigan mula sa LGBTQ+ community, na dapat nirerespeto nang kusa.
"Everyone, pare-pareho tayong nabubuhay, pareho tayong nagmamahal ng pamilya. Gusto lang naman natin maging masaya, minsan nasasaktan. Pantay-pantay tayo. 'Yun lang ang natutunan ko sa mga kaibigan natin LGBTQ+. I mean, we're all human beings, we don't need to demand respect, we just need to be respected," paliwanag niya.
"It's a birthright," dagdag niya.
Kaugnay nito, may bagong pelikula si Paolo na "Fuchsia Libre" na ipinalalabas ngayon sa mga sinehan.
Isang gay na MMA fighter ang role dito ni Paolo, at kasama niya ang batikang aktor na si John Arcilla, na gumaganap na kaniyang ama.
Sa istorya, hindi tanggap ni John na bading ang anak niyang si Paolo. Magtatago ng kaniyang katauhan si Paolo at sasabak sa MMA fight, na hahangaan ni John.
Ngunit hindi alam ni John na anak niya ang hinahangaan niyang fighter.
"Sobrang fun. I was able to work with the Philippine Wrestling Federation... and siyempre 'yung mga kaibigan nating mga gay kasama rin natin of course. Sa industriya marami at mahal na mahal ko naman 'yan. And I'm very happy that I was given the opportunity na makapag-play, at sana nagawan ko ng hustisya 'yung pag-play ko bilang gay," saad niya.
Ginanap ang premiere night nito noong Martes.--FRJ, GMA Integrated News