Nasa 600 pamilya sa isang isla sa Tubigon, Bohol ang nanganganib na mawalan ng tirahan dahil nilalamon na ng dagat ang kanilang lugar. Nagsimula raw ang lahat noong 2013 nang yanigin ng malakas na lindol ang lalawigin.
Pinuntahan ni Jessica Soho para sa programang "Kapuso Mo, Jessica Soho," ang Batasan Island upang personal na makita ang sitwasyon ng mga tao sa isla.
Nagsimula raw na unti-unting lumubog ang isla noong 2013 nang yanigin ng malakas na lindol ang Bohol. Ngayon, below sea level na ang sitwasyon ng isla at apektado na ang kabuhayan at maging ang pag-aaral ng mga tao roon.
Anim sa 34 na barangay ng Tubigon ang nasa isla. Apat sa nasabing barangay ang higit na nanganganib na lubos na kainin ng dagat.
Ang mga residente, nasanay na kung kailan mas mataas ang tubig. May kani-kanilang paraan na rin sila na ginagawa para hindi pumasok ang basura sa kanilang bahay na inaanod ng tubig.
Aminado si Mirasol Salomon na mahirap ang kalagayan nila ngayon bagaman nasanay na sila.
"Makakatulog naman pero minsan, 'pag gabi 'yung dagat po, hindi kami makakatulog," aniya. "Kunwari mataas ang higaan namin, maabot sa dagat hindi kami muna matutulog."
Bukod sa Batasan Island, lumulubog na rin sa tubig ang mga kalapit nitong isla na Ubay, Inanuran, at Bilang-bilangan.
"'Yung geological setting talaga ng Bohol ay mostly limestone 'yung lupa. So nu'ng nagkaroon ng earthquake, umangat 'yung ibang parts ng Bohol. Pero dahil umangat 'yung ibang parts ng Bohol, ibig sabihin may lulubog na ibang parts ng Bohol. So unfortunately, isa ang Batasan doon sa mga areas na lumubog," sabi ni Jefferson Chua, Greenpeace Campaigner mula sa Greenpeace Philippines.
Iba pang lugar na lumulubog
Bukod sa mga isla sa Bohol, nakararanas din ng paglubog sa tubig ang iba pang parte ng Pilipinas, gaya ng Bulacan, Mindoro, Roxas City sa Capiz, at Cotabato City.
Batay sa datos ng Greenpeace East Asia, dahil sa pag-angat ng 13.24 mm ng tubig sa Manila Bay, hindi napapansin na lumubog din umano ng Metro Manila ng 10 centimeters bawat taon.
"May report kami that showed na by 2030 napakataas ng chance na mas madali nang mapasukan ng tubig ang Manila dahil sa sea level rise na 'yan," ani Chua.
Ayon sa National Aeronautics and Space Administration of America, ang global sea level ay umaangat umano ng 3.4 millimeters per year.
Ang Indonesia na kapitbahay ng Pilipinas, ililipat ang kanilang kabisera mula sa Jakarta patungo sa Nusantara sa Borneo dahil unti-unti ring lumulubot sa tubig ang kanilang kapitolyo.
'Di na maaring tirhan'
Ang mga residente sa Batasan Island, pinayuhan nang iwan ang isla, bagay na madaling sabihin pero mahirap gawin lalo na sa mga taong doon na isinilang at tumanda.
Idineklara na kasi ng Department of Environment and Natural Resources na inhabitable ang isla.
Mayroon pa ring residente nagpapagawa ng bahay sa isla na mas mataas na ang sahig upang hindi abutin ng tubig. Pinapalitan nila ang dati nilang bahay na nalubog na sa tubig.
Nang tanungin kung may pag-asa pang masagip mula sa paglubog ang isla, sabi ni Romeo Geronimo MENRO, Tubigon, Bohol, "As of now, wala pa ma'am. Nag-submerge na talaga siya."
"Dine-declare na 'yung mga islands na no-build zone. In-encourage talaga namin sila na mag-relocate. Kasi kung LGU lang hindi kaya 'pag funds ng LGU. And fortunately, mayroon kaming grant from the National Housing Authority worth 50 million. And it's going to be 60 units for each family, pero 'yung affected is like 300," ayon kay Froilan Cosgasa, Tubigon MDRRMO.
Ayon kay Chua, climate change ang dahilan kung bakit nangyayari ang paglubog ng isla.
"Normal ang proseso ng pagbago ng klima pero nakikita natin na dahil sa mga ginagawa ng mga tao, na-accelerate nito ang climate change in historical levels," aniya.
At patuloy pa umanong umiinit ang mundo sa mabilis na panahon.
"Trailer lang 'to. Ang mga impact ng climate change is two-fold, three-fold, four-fold even sa naramdaman natin ngayon. Medyo sumusuko na tayo sa 40 degree weather," patuloy ni Chua.
Kasama sa mga epekto nito ang mga hindi inaasahang pag-ulan sa Pilipinas.
"Pero 'yung pinaka-glaring talaga doon, kapag nag-continue tayo sa kung paano natin pinapatakbo ang mga business natin on fossil fuels ngayon at hindi bumaba 'yung carbon emissions natin, we're looking at 365 days of extreme heat buong taon. Ganoon kalala. So 'di 'ba nakakatakot siya," ani Chua.
"Kaya kailangan maging mas urgent po talaga ang panawagan para maging accountable ang mga carbon majors natin sa ginagawa nila sa mundo ngayon," dagdag niya. —FRJ, GMA Integrated News