Kapapasok pa lang, pagod na raw kaagad ang isang construction worker dahil sa apat na oras niyang pagbibisikleta para makarating sa trabaho. Kaya nang malaman niyang may mga segunda-manong motorsiklo na ibinebenta sa bodega sale sa Tarlac na P5,000 lang ang presyo, bumale siya ng sahod at nagbakasakali. Nagtagumpay kaya siya?
Sa isang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabing P5,000 hanggang P12,000 ang pinakamurang segunda-manong motorsiklo na mabibili sa bodega sale sa Tarlac City na pagma-may-ari ni Jay-ar culanculan.
Ang ang mga motor na ibinebenta nila, nakukuha nila sa pamamagitan ng pagsali sa bidding ng mga repossessed na sasakyan sa private company. Kompleto naman daw ang lahat ng dokumento nito at inaayos muna nila para matiyak na nasa magandang kondisyon bago nila ibenta.
Nagbebenta rin sila ng mga gamit sa bahay, appliances, gadgets, mga piyesa ng motorsiklo.
Sa isinagawa nilang bodega sale kamakailan, umaga pa lang, mahaba na ang mga pila ng tao.
Kabilang sa mga nagpunta sa bodega sale ang construction worker na si Hilberto Sabinorio, na nakatira sa Magalang, Pampanga pero sa Tarlac City ang kaniyang pinapasukan.
Kaya para matipid ang P650 kada araw niyang kita, tinitiis ni Hilberto ang pagbibisikleta ng apat na oras papunta sa trabaho kaysa gumastos sa pamasahe. Ang bisikleta na gamit niya, nabili niya sa junk shop.
Iyon nga lang, pagod na agad siya pagdating sa trabaho. Kaya naisipan ni Hilberto na bumili ng motorsiklo sa bodega sale nang malaman niya na mayroong segunda-manong motorsiklo na mabibili rito sa halagang P5,000 lang.
Upang matupad ang kaniyang pangarap, bumale siya ng P2,000 para ipandagdag sa P3,000 niyang naipon.
Ang mag-asawa naman na sina Jerome at Precilla Marcelo na mula sa Victoria, Tarlac, nagkaroon din ng pag-asa na makabili ng murang motorsiklo na puwede nilang magamit na school service ng dalawang anak dahil sa P5,000 na motorsiklo.
Ayon kay Precilla, halos limang kilometro umano ang nilalakad ng mga bata kapag pumasok sa eskuwela na bitbit ang mabigat na bag at kung minsan ay tirik pa ang araw.
Pangregalo naman sa anak ang target na motorsiklo ni Robby Rodriguez para sa kaniyang anak na si Julian na magtatapos nang senior high school.
Matataas naman daw ang marka ng kaniyang anak, na sadyang pangarap na magkaroon ng motorsiklo. Sa ngayon, pahiram-hiram lang daw si Julian ng motorsiklo sa kaniyang pinsan.
Sa araw ng bodega sale, hindi nabigo si Robby na maihanap ng segunda-manong motorsiklo ang kaniyang anak, na hindi napigilang maging emosyonal sa ginawang effort ng magulang upang maibigay ang pangarap niyang motorsiklo.
Si Hilberto, kaagad na binayaran ang nakitang motor na halagang P5,000 matapos niyang matiyak na umaandar ito.
Pero dahil marami ang naghahanap ng murang motorsiklo at limitado naman ang ibinebenta, naubusan at nalungkot ang mag-asawang Jerome at Precilla.
Upang hindi masayang ang kanilang pagod, inialok sa kanila ng may-ari ng bodega sale ang isang motorsiklo na nagkakahalaga ng P15,000.00.
Gayunman, sinabi ng mag-asawa na hindi sapat ang kanilang pera dahil P5,000 lang ang budget nilang nakalaan para sa motorsiklo.
Ngunit ang hindi alam nina Jerome at Precilla, may inihanda palang sorpresa sa kanila si Jay-ar. Kung ano ito, tunghayan ang buong kuwento sa video ng KMJS. -- FRJ, GMA Integrated News