Bata pa lang, sadyang mahilig na raw ni Darrell Blatchley ang mangolekta ng mga labi ng hayop. Ngayon, siya na ang may-ari ng isa sa mga natatanging museo na makikita sa Davao, ang D’Bone Collector Museum.
Sa dokumentaryo ni Howie Severino para sa I-Witness, inihayag ni Darrell na mayroon siyang mga alaga noon na mga hayop gaya ng buwaya, ahas, at lizard. Kapag namatay ang mga ito, inililibing ng kaniyang mga magulang.
Dahil sadyang interesado si Darrell tungkol sa mga hayop, hinuhukay niya ang mga labi nito at sinusuri kung bakit namatay. Iniipon din niya ang mga buto at kaniyang bubuuin o kaya naman magsasagawa ng taxidermy.
Ang kaniyang hindi pangkaraniwang hilig sa mga hayop, naging dahilan para magkaroon umano siya ng problema sa kanilang paaralan noon.
Ngayon, katuwang ni Darrell sa kanilang museum ang kaniyang nobya na si Pamela Dagala, isang biology graduate mula sa Central Mindanao University.
Itinuturing niyang mapalad sila magkaroon ng natatanging museum sa Mindanao kung saan makikita ang mga buto at taxidermy ng iba't ibang uri ng mga hayop na nabuhay sa lupa, tubig, at maging ang mga lumilipad.
Malalaman sa museum ang kuwento sa likod ng pagkamatay ng mga hayop, gaya ng isang balyena na nakitang puro plastic ang laman ng sikmura.
Matiyaga niyang kinukolekta, nililinis at binubuo ang mga buto ng mga hayop na natutunan umano niya sa pamamagitan ng "trial and error."
Isa sa mga maituturing malaking proyekto ni Darrell ngayon ang pagpreserba sa pumanaw na “loneliest elephant in the world” na si Mali.
Matapos mamatay noong nakaraang taon habang nasa Manila Zoo, dinala ang bungo ni Mali sa Davao kung saan ipopreserba ito ni Darrell para makita siyang muli ng mga tao.
Kailan kaya masisilayan muli ng mga tao si Mali? Alamin ang buong kuwento.
--FRJ, GMA Integrated News