Hindi naging sagabal ang sira-sirang sapatos ng isang 17-anyos na lalaking school athlete sa larangan ng track and field para habulin ang kaniyang mga pangarap, kabilang na ang makapag-uwi ng gintong medalya. Ang bunga ng kaniyang pagtitiis, unti-unti na niyang nakakamit.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," makikita ang pagsasanay ng estudyanteng si Lorenz Bello Datiles, na mula sa Tomas, Davao del Norte.
Sa kaniyang pagtakbo, suot ni Lorenz ang lumang sapatos na ilang beses nang dinikitan at tinahi. Pero hindi lang pala siya ang gumagamit ng naturang sapatos, kundi maging ang iba pa niyang kasamahan.
Kuwento ni Lorenz, may spike ang naturang sapatos na maganda sa kanilang pagtakbo at magaang.
Kahit sira na, pinagtitiyagaan nila itong gamitin dahil umaabot sa P10,000 ang presyo nito kapag bago.
Mayroon naman sa ukay-ukay na nagkakahalaga ng P800 pero mahirap umanong makakita.
Ang naturang lumang sapatos ang inaasahan ni Lorenz na magiging kasangga niya para manalo sa limang events sa Davao Region Athletic Association para makasali siya sa Palarong Pambansa 2024 sa Hulyo.
"Para akong lumulipad," saad niya kapag suot daw niya ang naturang sapatos. "Parang nasanay na yung paa mo, parang mahirap siyang ilayo sa'yo."
Magsasaka ng mais ang kaniyang ama, at may maliit na tindahan naman ang kaniyang ina. Dahil may dalawa siyang kapatid na nag-aaral na sa kolehiyo, ayaw ni Lorenz na makadagdag pa sa gastusin ng kaniyang ama kaya hindi siya humihiling ng bagong sapatos.
Ayon sa ina ni Lorenz, pinatitigil na noon ng ama ang kanilang anak na mag-aral. Pero pursigido ang binatilyo na makapagtapos.
Kaya naman sinikap niyang maging atleta ng kanilang paaralan upang maging iskolar para makapagpatuloy sa kaniyang pag-aaral, na grade 12 student na ngayon.
Bukod sa pangarap ni Lorenz na maging piloto balang araw, pangarap din niyang manalo ng gintong medalya sa Palarong Pambansa.
Pero bago siya makasali sa Palarong Pambansa, kailangan muna niyang manalo sa Davao Regional Athletic Meet. Dagdag pressure kay Florenz na siya ang team captain ng kanilang grupo.
At nang idaos ang regional meet ngayong Abril, hindi lang si Florenz ang nagwagi, kundi maging ang kanilang team.
Kaya naman labis ang saya niya na makahakot sila ng gintong medalya. Ngunit bukod sa gintong mga medalya, pasok na rin si Lorenz para sumabak sa Palarong Pambansa.
Pero may sorpresa pa sa kaniya na hindi niya inaasahan kaya naiyak ang binatilyo-- ang mapabilang sa Philippine team na sasabak sa Vietnam.
Tunghayan ang kahanga-hanga at nakaaantig na kuwento ni Lorenz sa video na ito ng "KMJS." -- FRJ, GMA Integrated News