Ilang sasakyan na nakaparada sa extension parking area ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 ang nasunog ngayong Lunes ng umaga.

Sa ulat ni Nimfa Ravelo sa Super Radyo dzBB, sinabing inaalam pa ng Pasay Fire Bureau ang dahilan ng sunog.

Wala pang impormasyon kung may nasaktan sa insidente, na ayon sa Manila International Airport Authority ay hindi naman nakaapekto sa operasyon ng paliparan.

 

 

Dahil na rin sa pangyayari, iniutos ni Eric Ines, general manager ng MIAA, buong araw nang maglalagay ng fire truck sa mga open parking area.

Umabot umano sa 19 na sasakyan ang nasunog.

May mga tuyong damo rin sa parking area na pinaniniwalaan na nagpalala sa sitwasyon ng sunog.

Ayon sa ulat, nakikita umano ni Ines na aksidente at hindi sinadya ang nangyaring sunog.

Nilinaw din ng opisyal na pribadong concessionaire ang namamahala sa naturang pay parking area kung saan nangyari ang sunog.

 

 

Posible umanong nagmula ang apoy sa isang sasakyan at nakadamay ng iba pang sasakyan dahil sa hangin at tuyong damo sa lugar.

Natanggap umano ng MIAA ang impormasyon tungkol sa sunog bago mag-1:30 pm at naapula ang apoy bago mag-2 pm. -- FRJ, GMA Integrated News