Pangmalakasan ang paliga ng basketball para sa mga barangay sa Rizal, Occidental Mindoro dahil ang ibibigay umanong premyo sa magigng kampeon na koponan, tumataginting na P1 milyon?
Sa “Kapuso Mo, Jessica Soho,” sinabing highlight ng ika-55 founding anniversary ng bayan ng Rizal ang naturang paliga.
Mula sa 11 koponan ng 11 barangay ng Rizal, ang barangay ng Malawaan at Adela ang nagtunggali sa finals na may tatlong laban.
Wagi ang Barangay Malawaan sa Game 1, ngunit panalo naman ang Barangay Adela sa Game 2. Kaya humantong na sila sa isang do-or-die match noong Abril 2.
Umpisa pa lang ng laro, umarangkada na ang defending champion na Barangay Adela. Kung mananalo, gagamitin nila ang papremyo upang magkaroon ng maayos na patubig sa kanilang barangay.
Kahit nakalamang sa first quarter ang Barangay Adela, hindi naman pinanghihinaan ng loob ang Barangay Malawaan kahit baguhan ang karamihan ng kanilang players.
Nais ng Barangay Malawaan na mapailawan ang madidilim na kalsada sa kanilang barangay.
Sa huling quarter, mas uminit pa ang laro nang tuluyan nang naungusan ng Barangay Malawaan ang defending champion na Barangay Adela.
Nilinaw ng organizers na ang P1 milyong premyo ay hindi direktang mapupunta sa koponan. Sa halip, ang P1 milyon ay gagamiting pondo sa proyekto ng barangay na magiging kampeon. Ang premyo, nagmula naman sa pondo ng lokal na pamahalaan.
“Hindi naman masama ang pag-conduct ng mga palaro ng basketball. Pero then again, merong misplaced priority na nangyayari. Maaari itong maging source ng pag-aaway-aaway later on. Iisipin ng ibang barangay na dahil lamang meron silang mas malakas na koponan, sila ang nakakuha ng mga ayuda ng gobyerno na dapat sana ay pangkalahatan,” puna ni Ivan Tanyag, Deputy Director for Policy Advocacy, GoodGov PH.
Paliwanag naman ni Jack Motril, Public Relations Officer ng Rizal, “Isa po sa mga dahilan kaya po natin ginawa itong basketball league na ito, hindi po para paglabanan pa nila ‘yung project. Para ma-hype lang ‘yung bawat barangay na sumali. Top priority po ng leaders namin ang maibigay ang pangangailangan ng mga barangay.”
Alin kaya sa Barangay Malawaan at Barangay Adela ang nagwagi at ano ang maiuuwi ng natalong koponan? Tunghayan ang buong episode sa "KMJS." -- FRJ, GMA Integrated News