Nangangamba ang mga residente ng isla ng Homonhon sa Eastern Samar na tuluyang mawasak ng mala-paraiso nilang lugar dahil sa patuloy at lumalawak na pagmimina na ginagawa rito.
Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” sinabing sa isla ng Homonhon na sakop ng bayan ng Guiuan, unang tumapak ang Portuguese explorer na si Ferdinand Magellan noong 1521.
Bukod sa yaman ng karagatan, mayaman din ang lupa ng Homonhon kaya magandang taniman, gaya ng kalamansi na itinuturing ginto ng mga residente.
Ngunit dahil sa patuloy na pagmimina sa isla, unti-unti nang nagiging dagat ng putik ang kanilang katubigan at nagkakasakit umano ang mga residente.
Nasisira na rin ang mga tanim nilang mga kalamansi dahil sa alikabok. Kaya apektado na rin ang kabuhayan ng mga residente na nagtatanim at nagbebenta ng naturang produkto.
Inirereklamo ng kagawad ng Barangay Bitaugan na si Jonito Caberio, na pinasok na rin ng isa sa mga kompanya na nagmimina sa lugar ang kanilang barangay.
Giit ni Caberio, walang dumaang endorsement mula sa kanilang barangay ang pagmimina, at nagsumite sila ng resolusyon sa Department of Environment and Natural Resources na tutol sila sa pagmimina sa kanilang lugar.
Gamit ang isang drone, makikita ang isang dambuhalang butas o open pit na senyales ng lawak ng operasyon ng mga minahan mula sa isang dulo hanggang sa mahigit kalahati ng isla.
Gumawa rin ng mga bahagdan na mga daan ang mga heavy equipment ng mga minahan upang maabot ang ilalim ng lupa at makakuha ng mga mineral gaya ng nickel at chromium.
Ang mga mala-chocolate hills naman na stockpile o imbakan ng mga lupa na may mineral ay isinasakay sa mga barko patungong China para magamit sa paggawa ng iba pang bagay.
Mayaman ang lupa ng isla ng Homonhon sa mga mineral gaya ng nickel at chromite na ginagamit sa paggawa ng bakal, semento, at kahit pa sa mga ordinaryong gamit gaya ng battery at mga cellphone.
Nagsimula noong 1983 ang “small scale” mining sa isla ng Homonhon. Ngunit pagdating ng 2009, may isang kumpanya ang nabigyan ng permit.
Sa mga sumunod na taon, umabot na ng hanggang limang kumpanya ang nagkaroon ng permit.
Giit ng mga residente, hindi na umano nakikipag-ugnayan ang mga kumpanya ng minahan sa mga katabing barangay tungkol sa paggawa ng expansion ng operasyon.
Ang minahan, malapit din sa isang paaralan. Kaya naman ang mga estudyante, nagkakasakit na umano dahil sa matinding alikabok, lalo kapag panahon ng Habagat.
Wala na ring mapagkukunan ng malinis na tubig ang mga residente dulot ng mga minahan, at kailangan pa nilang umangkat mula sa Guiuan, na kanilang binabayaran ng P80 ang kada galon.
Limitado rin ang kuryente sa isla, na mula lamang 4 p.m. hanggang 12 a.m.
Sa kabila ng daing ng mga residente, nakasaad sa datos ng Mines and Geosciences Bureau na nakakapagpasok ng malaking pera sa gobyernong nasyonal at lokal ang pagmimina.
Batay sa MGB, dalawa sa apat na minahan ng Homonhon ay nakakuha ng 8.22 million metric tons ng nickel ore o katumbas ng P172.84 million na halaga ng buwis nitong nakaraang taon.
Ilang residente rin ang pabor sa ginagawang pagmimina sa kanilang lugar dahil nakapagbibigay daw sa kanila ng trabaho.
Ngunit maging ang lokal na simbahan, sumusuporta sa mga nagpoprotesta laban sa pagmimina sa kanilang lugar, kasama na rin ng mga private o non-government organizations.
Nang subukang kunan ng pahayag ang MGB o DENR, tumanggi sila at sinabing pag-aaralan muna ang resulta ng kanilang imbestigasyon.
Isinaad naman ni Guiuan Mayor Annaliza Kwan na sinulatan na niya ang MGB at mga mining company, at iginiit na dalawang barangay lamang ang nakalagay para isagawa ang pagmimina.
“And I said, even if it is within the tenement area, wala namang social acceptability sa mga tao. Sinabi ko talaga that I do not want any mining operation in barangay Bitaugan because I want to devote this area for agricultural and agro-industrial development,” sabi ni Kwan.
“Ngayon lang, sasabihin ko sa inyo na i-recommend ko for suspension ‘yung mining company na nagkaroon ng violation,” sabi ni Kwan.
Dalawa sa mining companies ang nagpaunlak ng panayam.
Iginiit ng Mt. Sinai Mining Exploration and Development Corp., na taong 2013 pa pagkatapos ng Super Typhoon Yolanda nang matapos ang operasyon nila sa isla.
Ang Nickelace Inc. naman, iginiit na legal ang mga permit na hawak nila.
“Marami talagang anti-mining. I take it as an opportunity to strategize ano ‘yung maganda naming plano to show them that we are here not to destroy, we are here to develop and to provide opportunities sa local and also help the national government,” sabi ni Digna Evangelista, Operator ng Nickelace Inc. -- FRJ, GMA Integrated News