Para kay Kylie Versoza, hindi na dapat kaibiganin pa ng isang tao ang kaniyang naging dating karelasyon.
Sa ginawang panayam ni Ogie Diaz sa vlog nito, ipinaliwanag ng beauty queen na respeto na rin sa kasalukuyang karelasyon ang hindi na pakikipagmabutihan sa dating jowa.
“I don’t believe exes should be friends,” ani Kylie. “Respeto rin sa bago mong partner at sa bago niyang partner.”
“You can be civil, puwedeng you don’t have any bad feelings against each other, but I don’t think there should still be a friendship kasi, bakit ba?” patuloy niya.
Nilinaw din ni Kylie na hindi masama o traumatic ang naging relasyon nila ng kaniyang ex-boyfriend na si Jake Cuenca. Sa halip, naging bahagi iyon ng kaniyang buhay para may matutunan.
“Feeling ko na kailangan naming both pagdaaanan,” saad niya. “Happy ako where I am now, and I’m so happy where he is now. I only wish him the best.”
Abril 2022, nang kumpirmahin ni Jake ang kanilang paghihiwalay ni Kylie matapos ang tatlong taon na relasyon.
Ngayong taon, inilunsad ni Kylie ang kaniyang shapewear brand na SOLÁ. Nakasama rin siya sa Metro Manila Film Festival entry na “Penduko,” kasama si Matteo Guidicelli. — FRJ, GMA Integrated News