Sa mga fur parent na hindi kayang iwanan sa bahay ang kanilang fur babies sa pagbabakasyon sa malayong lugar, alamin ang mga kailangang dalhin.
Bukod sa mga pangunahin kailangan o "essentials" gaya ng pagkain, tubig, at bentilador, mayroon ding mga kaukulang dokumento na dapat kompletuhin para hindi magkaaberya sa biyahe kapag kasama ang mga alaga.
Sa ulat ni Carby Basina ng GMA News Online, sinabi ni Bureau of Animal Industry - Veterinary Quarantine Service NAIA Veterinarian IV Dr. Noverlee P. Calub, na kasama sa mga dahilan kung bakit kailangan ang requirements sa alaga hayop ay para matiyak na wala silang rabies at iba pang sakit.
"Basta imu-move siya from one place to another, dapat ma-comply niyo po lahat ng 'yon para hindi niya madala 'yung sakit," ayon sa opisyal.
"Mapa-public, mapa-private [vehicles], kapag dumaan ka ng check point or any port of entry or exit na merong mga quarantine officer, iche-check at iche-check po 'yung requirements nung animal," dagdag ni Calub.
Requirements para sa local travel
Para sa local travel, kinakailangan ang dalawang dokumento para sa inyong mga alagang hayop.
Una ang veterinary health certificate, na maaaring ibigay ng mga government o private veterinarian.
Iniisyu ito na nagsisilbing patunay na buhay ang mga hayop at walang anumang nakahahawang sakit.
Kinakailangan ding tandaan na mag-apply para sa kanilang permit sa loob ng validity period ng veterinary health certificate, na valid lamang sa loob ng tatlong araw pagkatapos itong ibigay.
Kasama rin dito ang vaccination records ng iyong mga alagang hayop.
Sa harap na pahina ng record, dapat nakalagay ang pangalan ng alagang hayop, ang kanilang lahi, species, edad, petsa ng kapanganakan, kasarian, at pangalan ng may-ari.
Dapat ding makita ang petsa ng pagbabakuna, timbang ng alagang hayop, vaccine sticker o ginamit na rabies vaccine, lot at serial number ng manufacturer, at pirma ng beterinaryo kasama ang kanilang license number, petsa ng expiration, Taxpayer Identification Number (TIN), at Professional Tax Receipt.
Requirements para sa international travel
Ayon kay Calub, ang mga requirement para sa international travel ay nagkaikaiba depende sa bansa.
Ngunit gaya ng mga lokal na destinasyon, kasama pa rin sa general requirements sa international countries ang veterinary health certificate at vaccination records.
Ang pagbabakuna laban sa rabies ay hindi dapat mas maaga kaysa ng 30 araw bago ang schedule ng paglalakbay, at dapat na hindi bababa sa apat na buwan ang edad ng mga alagang hayop matapos mabakunahan.
Ang mga aso ay dapat ding mabakunahan laban sa distemper, hepatitis, leptospirosis, at parvovirus nang hindi bababa sa 14 na araw o higit sa isang taon.
Samantala, dapat namang may bakuna ang mga pusa laban sa feline panleukopenia nang ng hindi bababa sa 14 na araw o higit sa isang taon.
Dapat dalhin ang mga orihinal na kopya kasama ng isang photocopy ang bawat dokumento.
Kailangan din ba ng pet passports at microchips?
Sinabi ni Calub na depende sa lokasyon na bibisitahin ang requirement para sa mga microchip, kung kaya mariin niyang inirerekomenda na suriin muna ang mga partikular na requirement ng papasyalang lugar.
Ganito rin para sa mga pasaporte ng alagang hayop.
"Pet passport is not a mandatory requirement. Usually, ginagamit lang siya as reference du'n sa mga ibang requirements na hinahanap," sabi niya.
"For example, palabas siya ng ibang bansa, optional sa owner 'yon na magkaroon ng pet passport kasi parang 'yun 'yung pinaka-paper nung animal. Puwede niya ring i-present dun as proof of ownership or anything na information na needed. 'Yun 'yung magpu-prove doon sa identity ng pet. Pero wala pa po tayong mandatory na nire-require 'yung pet passport sa Pilipinas, even 'yung import and export, wala po," dagdag ni Calub
Submission of requirements
Matapos makumpleto ang mga kinakailangang dokumento, maaari nang tumuloy sa pangunahing opisina ng Bureau of Animal Industry sa Visayas Avenue sa Quezon City.
Maaaring makuha ang certification sa isang araw lamang, hangga't mayroong kumpletong requirements ang owner.
Mayroon ding iba pang Veterinary Quarantine Stations na matatagpuan sa iba't ibang rehiyon sa bansa, na maaaring makita sa website ng BAI.
"Maganda po na kapag may plano sila na mag-travel ay mag-consult muna sa Bureau of Animal Industry or Veterinary Quarantine Service na naka-station all over the Philippines para i-inquire 'yung requirements na needed. Mahirap po na nasa station na po kayo or nasa mga ports, sea ports or airports, ay doon pa lang kayo kukuha," ani Calub.
Para sa karagdagang impormasyon, maaaring mag-email sa Bureau of Animal Industry - Veterinary Quarantine Service sa nvqsd@bai.gov.ph.
--FRJ, GMA Integrated News