Sa kabila ng negatibong kahulugan sa isipan noon ng iba ang pagiging "Japayuki," hindi ikinahihiya ng isang Pinay ang ginawa niyang pakikipagsapalaran sa Japan upang makaahon sa kahirapan, at masuportahan ang kaniyang mga magulang at mga kapatid. Ang dating hindi makabili ng gamot na halagang 75 sentimos, may-ari na ngayon ng pinakamalawak na karaoke facilities sa Japan.
Sa EntrePinoy Abroad ng GMA Pinoy TV, ipinakilala si Abby Watabe, na may-ari at marketing director ng Karaoke-Kan.
Labandera noon ang ina ni Abby, habang karpintero naman ang kaniyang ama. Nagtatrabaho naman bilang mga kasambahay, welder, o sa factory ang kaniyang mga kapatid.
“Lowest point, nu’ng bata ako. I think siguro elementary, nagkasakit ‘yung nanay ko. ‘Yung 75 centavos na [gamot] wala kaming pambili. Kaya sabi ko, ‘pag yumaman ako o magkakapera ako, puwede ko na siyang dalhin sa magandang ospital," kuwento niya.
Nang makapagtapos ng vocational education, nagtrabaho si Abby bilang isang radio operator at sumubok din sa fast-food chain.
Hanggang sa magdesisyon na siyang mag-Japan upang mabigyan ng magandang buhay ang kaniyang mga magulang at matulungan ang kaniyang mga kapatid na hindi mga nakapag-aral.
“Siyempre kapag hindi ka nakapag-aral sa Pilipinas, napakahirap. Kahit may pangarap ka, ‘pag hindi ka nag-aral, sobrang hirap matupad. Siyempre, ‘pag nag-Japan, sabi nila, ‘Japan is sagot sa kahirapan,’” sabi ni Abby.
Nagkataon namang marami na ring nag-Japan noon sa kanilang lugar.
“Noong maliit kami, two times a day, suwerte ka na kung nakakakain ka ng two times a day. Kaya, akala ko, ganu’n ang buhay. Kaya sabi ko nu’ng lumalaki ako, na-realize ko na, hindi ako dapat mag-stop dito. Kailangan mag-try,” sabi niya.
Taong 2000 nang makapag-Japan si Abby.
“Kahit ang dami-dami kong naririnig na kamag-anak na sasabihin and also mga kapitbahay. Ang meaning ng Japayuki is hindi maganda ‘yung reputasyon. Ang sa akin, kahit masasakit na salita, natanggap ko. Pero for me, hindi naman ako mapapakain ng mga taong nagsasalita. Kaya sabi ko, hindi ako dapat mag-stop,” paliwanag niya.
Kalaunan, napangasawa niya ang may-ari ng Karaoke Kan, at nag-aral din si Abby ng Japanese language.
“Then, pinasok niya ako sa company. Doon ako nagsumikap kasi chance ko na ‘to. Then after that, tumutulong na ako sa opisina namin, saka sa kumpanya,” kuwento pa niya.
Nang mapangasawa ni Abby ang may-ari ng Karaoke Kan, mayroon na itong 78 branches at nabili pa nito ang 275 branches ng isa pang karaoke service. Kaya naman nagkaroon na sila ng 311 karaoke facility branches.
Kalaunan, siya na ang naging marketing director ng kompanya.
“Noong first na nag-opisina ako, nag-selfie-selfie ako kasi parang ang sarap na hindi ko pala destiny na mag-opisina sa Pilipinas. Pang international pala, sa Japan," masaya niyang pahayag.
Mula rito, nag-aaral din si Abby ng Bachelor of Science in Hospitality Management sa online class dahil sa pangarap niya na magkaroon ng degree at makapagsuot ng toga.
“Sa akin siguro, natupad ko na ‘yung mga pangarap ko sa family ko, especially sa mga magulang ko. Kasi hindi man nila ako napag-aral, para sa akin, ‘yun ‘yung best na ibinigay nila sa akin. ‘Yun na ‘yung best na buhay na kaya nilang ibigay,” sabi ni Abby.
Ngayon, si Abby naman ang nagpapaaral sa kaniyang mga pamangkin.
“‘Pag kasi mahirap ka, parang mababa ang tingin sa 'yo. Pag mahirap ka, hindi ka puwedeng VIP,” saad niya. “Kung ano ‘yung meron ako ngayon, siguro sapat na at sobra-sobra na. Kasi ‘yung pinangarap ko, hindi ko in-expect na maging ganito ‘yung bigay ng Panginoon sa akin. Kaya very thankful ako kay God na nabago ‘yung buhay namin.”
Bilang isang dating mahirap noon, inilahad ni Abby na malapit din ang loob niya sa mga mahihirap.
“Minsan kasi naiisip ko din na ‘yung tao kahit hindi siya masama, siguro du’n sa sitwasyon at ‘yung kumakalam ang sikmura, nagagawa niya ‘yung mga bagay na hindi naman niya dapat gawin. Kaya ako sa mga ganu’n, hindi ako judgmental kasi naranasan ko ‘yun. Iba kasi ‘yung naiintindihan mo, iba ‘yung naranasan mo,” paniniwala niya.
Payo niya sa mga nahaharap sa pagsubok ng kahirapan sa buhay, “Huwag susuko kahit gaano kahirap ang buhay. Kasi hindi habang buhay mahirap ka. And number one is, magkaroon ng faith kay God. Na maniwala ka na kahit imposible, ‘pag sa Panginoon magiging posible.”
“And also, ‘pag umasenso ka, magbabago ‘yung buhay mo, huwag mong kakalimutan kung saan ka nanggaling. At mahalin ang pamilya. Especially mga magulang mo. Kung ano yung maitutulong mo sa kanila,” dagdag niya.
Bukod dito, hindi niya rin nalilimutan ang pagtulong sa Philippine community, lalo sa OFWs.
“Natutuwa ako ‘pag may nakikita ako na kapwa kong Pilipino na umaangat. At nasasaktan din ako ‘pag nakakakita ako ng Pilipino na nahihirapan," ani Abby.
“And as an OFW, kung may maitutulong ka sa kapwa mo, tumulong. Kung wala ka naman maitulong, huwag mo silang apihin o magsasalita ng pangit kasi hindi mo alam kung ano ‘yung pinagdadaanan ng mga tao,” paalala niya.
Hindi nagsisisi si Abby sa kaniyang nakaraan, at ang mensahe niya sa sarili, “Napaka-strong mo kasi nakayanan mo lahat, hindi lang ‘yung hirap ng buhay, ‘yung pang-aalipusta, ‘yung mga masasakit na salita, nakayanan mo, ay ‘yun ang naging pundasyon mo kung ano ako ngayon.”
“Wala akong pinagsisisihan sa lahat ng nangyari sa buhay ko kasi naging lesson ‘yun. Napaka-brave niya. And proud ako sa kaniya. Kasi naranasan niya ‘yun. Kung hindi niya naranasan ‘yun, hindi siya ganito ngayon,” dagdag niya. -- FRJ, GMA Integrated News