Para makaiwas sa fungal infection ngayong mainit ang panahon, ipinayo ng isang lady solon na isa ring doktor na makabubuting huwag nang magsuot ng underwear ang kababaihan kung nasa bahay rin lang.
"Minsan lalo na nasa tag-init — wala lang malisya, 'no? — pero kung nasa bahay ka lang naman at matutulog, it's quite advisable na walang underwear pero naka-pajama ka naman o naka-shorts," sabi ni House Deputy Majority Leader at Iloilo Representative Janette Garin, na dati ring kalihim ng Department of Health (DOH), ayon sa ulat ng GMA News Unang Balita nitong Martes.
"'Yung ventilation na iyan ay epektibo para mapigilan at hindi na lumala 'yung fungal infection," dagdag niya.
Ayon kay Garin, mas lapitin ng fungal infection ang mga babae kung masisikip ang kanilang kasuotan ngayong mainit ang panahon.
Maaring magdulot ng labis na pangangati at pamumula ng balat ang fungal infection kapag laging basa dahil sa pawis.
Nauna nang inihayag ni PAGASA weather specialist Obet Badrina na inaasahan na lalo pang titindi ang init ng panahon ngayong Abril dahil na rin sa El Nino phenomenon.
Dahil na rin sa mainit na panahon, ilang eskuwelahan at lokal na pamahalaan na ang nagpasyang kanselahin ang face-to-face classes sa ilang bahagi ng bansa para sa kapakanan ng mga mag-aaral.--FRJ, GMA Integrated News