Halos gumuho ang mundo ng PBA star at tinaguriang “El Tinyente” na si LA Tenorio matapos niyang malamang na mayroon siyang Stage 3 colon cancer noong 2023. Sa tulong ng pagpapagamot at debosyon niya kay Padre Pio, gumaling siya.
Sa nakaraang episode ng “Biyahe ni Drew,” sinabing binansagan din na “Pambansang Reverse” at “Speed,” sa basketbal ang tubong Nasugbu, Batangas si LA.
Ngunit noong Pebrero 22, 2023, natuklasan na taglay niya ang colon cancer na stage 3 na.
“That was the time na nalaman ko after I went to my doctor and did a colonoscopy. While playing with an injury, nagkakaroon ako ng blood spots sa stool," balik-tanaw ni LA.
"I told my wife na papa-check up ako after. Nag-schedule ng colonoscopy, nakita right away ‘yung tumor. It's a three centimeter na tumor,” sabi niya.
Nagsisimula ang colorectal cancer o colon cancer kapag nag-iiba ng hitsura at hindi mapigilan ang na pagdami ang mga normal na tissue ng colon at rectum, na nagreresulta sa bukol na maaaring maging cancer.
“Hindi pa rin ako makapaniwala. I was still hoping na after two days doon sa result ng biopsy, negative pa rin. Pero wala. After two days na na-confirm namin na it's really malignant,” sabi ni LA.
Sa kaniyang pagsailalim sa chemotherapy, humugot ng lakas si LA sa milagrosong santo na si Padre Pio.
“Ang laking pagbabago of my perspective in life. Number one is it really strengthened my faith,” kuwento ng basketbolista, na inimpluwensiyahan ng kaniyang mga magulang na maging deboto ni Padre Pio.
Sa gitna ng kaniyang pakikipaglaban sa cancer, laging dala ni LA ang mga relic ni Padre Pio.
“Kasi nu’ng nagkasakit ako, karamihan ng mga kaibigan, mga kamag-anak, puro Padre Pio relic ang binibigay sa akin. Alam nila na nakakapagpagaling talaga si Padre Pio ng mga maysakit, lalo na ‘yung mga may malalang sakit,” sabi ni LA.
Makalipas ang 12 sesyon ng chemotherapy, idineklara nang cancer free si LA.
“We tend to take things for granted. Hindi natin nare-realize how important they are in our lives. Binigyan ako ng pagkakataon ulit ng ating Panginoon to have a higher purpose. It's more than basketball already,” sabi ni LA.
Isang paring Italyano si Padre Pio na opisyal na naging santo noong 2002, na nakilala dahil sa kaniyang stigmata o mga sugat na katulad ng mga sugat ni Jesus Cristo noong pinahirapan at ipinako Siya sa krus.
Maraming mga deboto ang nakakapagpatunay na nakapagpapagaling si Padre Pio ng mga malulubhang karamdaman.-- FRJ, GMA Integrated News