Bukod sa pagiging lugar ng dalanginan ng mga deboto, agaw-pansin din ang ilang simbahan sa Pilipinas dahil sa kanilang mga mararangya at matatayog na altar na kung tawagin ay retablo. Alamin kung saan makikita ang ilan sa kanila at kuwento sa likod nito.

Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” itinampok ang St. James the Apostle Parish Church o mas kilala sa tawag na Betis Church sa Guagua, Pampanga.

Maihahalintulad ito sa Sistine Chapel sa Roma dahil sa mga nagagandahang mga painting sa kisame nito, at itinanghal ng National Museum of the Philippines bilang isa sa mga National Cultural Treasures.

Gayunman, tampok din sa Betis Church ang kanilang engrande at matayog na retablo, na may taas na 20 talampakan at tinatayang ginawa noong pang ika-16 o ika-17 siglo.

Nakadikit ito sa pader na gawa sa nililok o inukit na hardwood, na hindi agad maaanay.

Meron itong 13 panel kung saan naka-display ang iba't ibang mga santo.

Sa itaas nakapuwesto ang Santisima Trinidad o Holy Trinity, samantalang nakalagay din ang Our Lady Mary, Help of Christians, San Jose na patron ng Pangkalahatang Simbahan o Universal Church, at St. James the Greater na mismong patron ng Betis Parish.

Nagpa-espesyal pa sa kanilang altar o retablo ang ilang mga santo na pinalamutian o pinaikutan ng ginto na parang mga bulaklak, o Rococo o tila ensaymadang disenyo.

“Ang rangya ng isang retablo ay makikita rin sa kakayanan ng mga misyonero na naatas upang pamunuan ang lugar na ‘yun. At gayundin sa mga nakukuha nilang donasyon mula sa mga katutubo.

Magastos gumawa ng retablo, kaya hindi rin lahat ng simbahan ay nakakapagpagawa ng marangyang retablo,” ayon sa historian na si Phillip Medina.

Isa naman sa pinakamatandang retablo sa Pilipinas na pinaniniwalaang gawa pa noong 1617 o 353 na taon ang nakararaan ang retablo ng San Agustin Church sa Intramuros sa Maynila, na itinuturing na “oldest stone church” sa Pilipinas.

Likha ito ng artist mula Laguna na si Juan de los Santos na dati ring sakristan ng simbahan.

Ngayong Semana Santa, tatakpan muna ang mga retablo ng telang kulay violet o lila bilang bahagi ng tradisyon ng mga Katoliko.

Nakalagak din dito ang 22 na mga antigong santo na gawa sa kahoy, na mga replika na lamang ng mga imahen na orihinal na gawa sa ginto at ivory.

Na-loot o nakuha ang mga orihinal na imahen ng mga British noong British occupation.

Nakatago na lamang ang retablo sa kanilang museum dahil hindi na ito angkop sa istruktura ng simbahan, ayon kay Father Edwin Hari, OSA, rector ng San Agustin Church.

Isa sa mga nangangalaga ng retablo bukod sa mga Agustinian ang UNESCO at iba pang ahensiya ng gobyerno, na pinangangalagaan ang dignidad ng retablo.

Ngayon, ginagamit ng simbahan ng San Agustin ang kanilang retablo mayor kung saan makikita ang imahen ni San Pablo, na siyang tagapagtanggol ng pananampalataya at ng orden ng mga Agustino.

Bukod sa kanilang retablo mayor, meron pa silang walong retablo na naka-display sa simbahan na tinatawag nilang retablo menores.

Itinuturing ding yaman ng mga residente sa Barangay Santisima Trinidad sa Malolos, Bulacan ang retablo ng kanilang simbahan na dating isa lamang maliit na kapilya.

Ngunit dumami rin ang mga patotoo ng pagiging milagroso ng imahe ng Santisima Trinidad o Holy Trinity na siyang centerpiece ng kanilang retablo, kaya dumagsa ang mga deboto.

Tinatayang mahigit 150 taon na ang tanda ng naturang imahe.

Ngunit noong Oktubre 27, 1980, napadasal ang mga parokyano nang nakawin ang kanilang imahen.

Napalitan ngayon ng marmol ang dating kahoy na retablo, at naglagay muna sila ng rebulto ng Santisima Trinidad o Holy Trinity na gawa sa kahoy habang hindi pa nahahanap ang ninakaw na imahen sa retablo.

Nananalangin ang mga taga-Malolos, Bulacan na balang araw ay maibabalik din sa kanila ang nawawala nilang imahe ng Santisima Trinidad.

“Ang retablo ang siyang nagpapakilala sa patronage rin ng simbahan. Nagsisilbi itong alaala or visual reminder sa mga Katoliko kung paano tayo mabubuhay nang mabuti alang-alang sa mga pinakitang magagandang gawa ng mga banal na taong ito. At gayon din para mas mapalapit tayo kay Jesus Cristo,” sabi ni Medina.

“Laging si Jesus ang sentro. Ang mga banal, mga santo, sila ‘yung mga modelo natin. Sila yung mga tularan. Si Jesus ang patunguhan. Sabi nga, ‘Mula kay Hesus, para kay Hesus, patungo sa kaluwalhatian ng langit,” sabi ni Reverend Father Luisito Gatdula, Rector at Parish Priest ng Diocesan Shrine of our Lady of Candelaria.

Tunghayan ang mga nakamamanghang retablo sa mga simbahan. Panoorin ang video ng "KMJS."--FRJ, GMA Integrated News