Bukod sa mga naggagandahan at natatangi nilang istruktura, dinarayo rin ang mga simbahan at iba pang sikat na lugar sa mga probinsiya para makapagnilay ang mga deboto ngayong Semana Santa. Alamin ang ilan sa mga ito, ayon sa nakalap ng GMA Integrated News Research.

Antipolo Cathedral

Idineklara bilang isang international shrine noong Marso 25, 2023, ayon sa decree ng Vatican, kilala na rin ngayon ang Antipolo Cathedral bilang International Shrine of Our Lady of Peace and Good Voyage.

Ayon sa Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP), ang Antipolo Cathedral ang kauna-unahang international shrine sa Southeast Asia at ang ika-11 sa buong mundo.

Ito rin ang unang Marian international shrine sa Asya, at ang ika-anim na Marian shrine sa buong mundo, dagdag pa ng CBCP.

 

 

Kamay ni Hesus Healing Church

Isa sa mga popular na pilgrimage site sa Lucban, Quezon, ang Kamay ni Hesus Healing Church ay itinayo ng “healing priest” na si Father Joseph “Joey” Faller.

Kinakailangan ng mga deboto na akyatin ang 310 na mga kongkretong hagdan para maabot ang tuktok ng burol kung saan matatagpuan ang 70-talampakang imahen ng Risen Christ.

Mayroon din itong mga estasyon ng krus kung saan maaaring magdasal at magnilay ang mga deboto.

Parish and National Shrine of Saint Padre Pio

Matatagpuan sa Santo Tomas, Batangas na inilaan para kay St. Padre Pio ng Pietrelcina, itinalaga ang simbahang ito ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) bilang national shrine noong 2015.

Noong Setyembre 2021, pinasinayaan ang isang estatwa ni St. Padre Pio bilang pagdiriwang ng kaniyang kapistahan.

Our Lady of Mount Carmel Parish o Barasoain Church

Matatagpuan sa Malolos, Bulacan, itinayo ang simbahang ito noong 1888 at ginawaran ng pagkilala bilang "Cradle of Democracy in the East, the most important religious building in the Philippines."

Idineklara ito bilang National Shrine sa pamamagitan ng Presidential Decree No. 260 na inisyu ng noong 1973 ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr.

Nagsilbi rin itong session hall ng Malolos Congress noong 1898 at lugar kung saan “ipinanganak” ang Unang Republika ng Pilipinas noong 1899, ayon sa Department of Tourism.

 

(Photo: Riz Pulumbarit)

Saint Dominic de Guzman Church o Abucay Church

Itinatag ng mga Dominikano noong 1587, ikinokonsidera ito bilang ang pinakalumang simbahan sa Bataan at isa rin sa mga pinakamatanda sa bansa.

Dito inilimbag ni Tomas Pinpin, ang unang Pilipinong manlilimbag, ang mga pinakaunang libro sa Pilipinas kasama si Fr. Francisco Blancas de San Jose na kaniyang kapwa may-akda at guro.

San Guillermo Parish Church

Itinayo ng mga paring Agustino noong 1576 sa Bacolor, Pampanga, nagsisilbi itong isa sa mga paalala ng malagim na pagsabog ng Mt. Pinatubo, at ang matatag na pananampalataya at katatagan ng mga taga-Pampanga.

Church of Nuestra Señora de Candelaria

Kilala rin bilang Silang Church, itinatag ito ng mga Pransiskano noong 1595, kung saan patron si San Diego de Alcala.

Kinokonsidera ito bilang isang architectural heritage sa Silang, Cavite.

Idineklara itong bilang National Cultural Treasure ng National Museum of the Philippines noong 2016.

Diocesan Shrine and Parish of Our Lady of Light

Ang orihinal na istrukturang bato nito ay itinayo noong 1707 na kabilang sa Arkidiyosesis ng Manila, hanggang sa ilagay ito sa ilalim ng Diyosesis ng Antipolo.

Metropolitan Cathedral and Parish of St. Sebastian o Lipa Cathedral

Itinatag noong 1700s, ang Lipa Cathedral ang nagsisilbing sentro ng Arkidiyosesis ng Lipa.

Nasira ang una at orihinal na katedral sa Lawa ng Taal noong 1754 nang sumabog ang Bulkang Taal.

Ayon sa DOT, muling ginawa ang simbahan noong 1779 at nakumpleto noong 1865 hanggang 1894.

Ngunit muli itong nasira noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig at muling sumailalim sa renovation.

Minor Basilica and Parish of St. Martin of Tours o Taal Basilica

Ipinangalan kay St. Martin of Tours, na siyang patron ng Taal, may haba itong 96 metro at lapad na 45 metro.

Noong Nobyembre 11, 2020, inihabilin ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP) ang pagpapaganda ng Taal Basilica Church sa Arkidiyosesis ng Lipa.-- FRJ, GMA Integrated News