Dalawang bata na edad dalawa at tatlo ang namatay makaraang makulong sa loob ng isang nakaparadang kotse sa Angeles City, Pampanga kamakailan. Papaano nga ba maiiwasan ang ganitong trahediya?
Sa programang "Dapat Alam Mo," nagbigay ng ilang tip si Senior Fire Officer 1 RJ Argonza, miyembro ng Special Rescue Force ng Bureau of Fire Protections, kaugnay sa pag-iingat sakaling may ma-trap sa loob ng sasakyan.
Ayon kay Argonza, maganda na bumalik sa "basic" tungkol sa pag-iingat sa mga bata o anak, sa pamamagitan ng pagpapaalala sa kanila na iwasan o huwag galawin ang mga bagay na hindi nila dapat galawin.
Sa nangyaring trahediya sa Angeles City, nakita ang dalawang bata na unang naglalaro sa tabi ng nakaparadang kotse hanggang sa pinaniniwalaang nakapasok sila sa loob nang sasakyan nang mabuksan ang pintuan nito pero hindi na nakita sa CCTV camera.
Suffocation o naubusan ng hangin sa loob ng sasakyan ang sanhi ng pagkamatay ng mga biktima na magpinsan batay sa awtopsiya. Sinasabi sa mga ulat na tumagal ng apat na oras bago sila nakita sa loob ng sasakyan.
Habang maaga pa, sinabi ni Argonza na makabubuti na turuan ang mga bata kung papaano gamitin ang busina ng sasakyan.
Bagaman hindi dapat iniiwan ang mga bata sa loob ng sasakyan, kung sakaling mangyayari ito at makukulong ang bata, makatatawag siya ng pansin sa mga tao sa labas kung marunong silang gumamit ng busina.
Ang mga may-ari ng sasakyan, dapat din tiyakin ang kalagayan ng kanilang sasakyan bago iwan. Upang hindi naman mapaandar ng bata ang sasakyan, dapat tiyakin na naka-handbreak ito para iwas disgrasya.
Sakali naman na may makitang bata na nakulong sa loob ng sasakyan at may malay pa ito, tanungin o ituro sa bata kung paaano mabubuksan ang pintuan.
Kung sakaling hindi marunong ang bata o hindi kaya ng bata na buksan ang pinto, subukan munang hanapin ang may-ari ng sasakyan baka sakaling nasa paligid lamang upang makuha ang susi.
Subalit kung peligroso na ang sitwasyon at hindi makita ang may-ari ng sasakyan, dapat nang basagin ang bintana upang mabuksan ang sasakyan at mailigtas ang bata.--FRJ, GMA Integrated News