Nahuli-cam sa CCTV camera ang isang lalaki sa Caloocan na tila may kausap at nagpaalam pa nang umalis siya. Pero ang sinasabing kausap ng lalaki, napag-alaman na wala pala sa bahay. Kaluluwa nga kaya ang nakita at nakausap ng lalaki sa loob ng bahay?
Sa kuwentong Dapat Alam Mo!, napag-alaman na si Catherine Madarang, ang nakatira sa bahay sa Caloocan. Pero umuwi siya sa Pangasinan at naiwan ang kaniyang aso kaya pinakiusap niya ang kaibigang si Ralph na pakainin ang kaniyang alaga.
Nang magtungo si Ralph sa bahay para pakainin ang aso, nakita niya raw sa garahe si Catherine.
“Bigla niya po akong kinausap na nami-miss niya na raw po ‘yung kasama niya dito sa bahay, gusto na niyang sumunod. Tapos tumatango tango lang ako sa kaniya, ‘yung sagot ko lang sa kaniya mga ‘Oo,’ ‘Ah,’” kuwento ni Ralph.
Nang umuwi at magpaalam na habang nasa gate na makikita rin sa CCTV footage, makikitang kumaway si Ralph sa inaakala niyang si Catherine na nakita niya sa loob ng bahay.
“‘Pag pasok ko sa gate namin, doon ko napagtanto na sabi ni ate noong chinat niya ako, walang tao. Tapos napansin ko na parang kakaiba ‘yung dating niya sa akin noon, parang namumutla siya. Agad kong chinat si ate kung may sakit ba siya,” kuwento ni Ralph.
Doon na nagtaka at kinalubutan si Catherine, dahil walang tao sa bahay. Kaya nagtanong siya kung sino ang nakausap ni Ralph.
Naniniwala ang magkaibigan na isang doppelganger ni Catherine ang nakita at nakausap ni Ralph.
“Kinilabutan po ko, nanlamig po ‘yung buong katawan ko. Wala pong katao-tao sa bahay. Siguro po kaya po ako ginagaya dahil ako lang po ‘yung nakatira dito sa bahay,” ani Catherine.
Ang doppelganger ay salitang Aleman na nangangahulugang “double walker.” Base sa kanilang kuwentong bayan, may spirit double umano ang lahat ng nilalang na madalas hindi nakikita.
“Dati may paniniwala na ito ay evil twin. Sinasabi rin na kapag nakita mo ito, merong mangyayaring hindi maganda doon sa tao na orihinal na merong kamukha,” paliwanag ng anthropologist na si Nestor Castro.
Hanggang sa kumalat na ang konseptong ito sa Europa, at nadala naman sa Pilipinas nang sakupin ang bansa ng mga Espanyol.
Para matukoy kung doppelganger ni Catherine ang nakita at nakausap umano ni Ralph, tinungo ng paranormal researcher na si Ed Caluag ang kaniyang bahay.
Pero walang natukoy sa electromotive force o EMF meter na bakas ng mataas na enerhiya para masabing may ligaw na kaluluwa o elemento sa lugar.
“Hindi ko puwedeng ma-consider na ghost ‘yung nakita. Kasi kung may ghost dito, ‘yung presence niyan, hindi mo maitatago. Mararamdaman at mararamdaman. Dapat ‘yan ay mayroong bakas. Hindi ko siya makonsider na doppelganger mo,” sabi ni Ed.
Paliwanag ni Ed, para makapanggaya ang isang doppelganger, dapat nakasalubong o nadaanan nito ang taong kaniyang ginagaya.
Ngunit sa kaso ni Catherine, wala siya noon sa bahay nang makausap umano siya ni Ralph.
“Separate entity ang doppelganger. Spirit siya na nanggagaya ng form ng tao na makakasalubong niya, makikita niya. Pero dahil wala ka dito, hindi puwede na makopya ka niya,” dagdag ng paranormal researcher.
Nang akyatin ang ikalawang palapag ng bahay, nakumpirma ni Ed na walang doppelganger si Catherine.
Paliwanag pa niya, hindi rin nakikipag-interact o nakikipag-usap ang mga doppelganger.
Ayon kay Ed, isa itong kaso ng "etheric double," na nagkakaroon ng astral projection o paglabas ng aura ng tao sa kaniyang pisikal na katawan.
“Sa projection lang sa mata ni Ralph, nakikita niya siya. Pero sa CCTV, wala siya. Ibig sabihin, physically, wala talagang nandoon. Ang doppelganger, kahit papaano, nakaka-capture ng camera ‘yan. May full image, may full body na image,” sabi ni Ed.
Ayon kay Ed, may strong intentions o malalim na pag-iisip si Catherine sa kaniyang mga alaga. Naging sapat ang mga laging-laging niyang ginagawa para siya makapag-astral project at makita sa kanilang bahay.
Sinabi ni Ed na nakapadalang ang mga ganitong pangyayari. -- FRJ, GMA Integrated News