Agaw-pansin ang isang batang kambing na isinilang sa Banna, Ilocos Norte dahil sa kakaiba nitong hitsura.
Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Biyernes, makikita na magkadikit ang mata ng kambing, walang ilong, maliit ang bibig at nakalawit ang dila.
Bagaman buhay, sinabi ng may-ari ng kambing na mahina ang katawan nito.
Ayon sa Provincial Veterinary Office, nagkaroon ng abnormal development ang kambing habang pinagbubuntis ng ina. Maaaring nagkaroon din ng problema sa genes ng kambing kaya hindi normal ang pagkakabuo nito.
Mababa raw ang tiyansang mabuhay nang matagal ang ganitong hayop dahil wala itong ilong at sa bibig lang humihinga.
Noong nakaraang Enero, isang tupa na may kakaibang hitsura ang isinilang naman sa Casiguran, Aurora.
Ang kakaibigang hitsura ng hayo, hinihinalang dahilan ng tinatawag na "inbreeding," o pagtatalik ng mga dalawang hayop na magkalapit ang relasyon. -- FRJ, GMA Integrated News