Nawalan ng P30,000 ang isang 58-anyos na tindero matapos siyang dukutan ng isang kawatan habang natutulog sa gilid ng kalsada sa Cebu City.

Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, mapanonood na mabilisang nakuha ang puntiryang supot ng suspek mula sa biktima na naglalaman ng P30,000 sa loob lamang ng isang minuto.

Sa kuha ng ibang CCTV sa barangay, mapanonood ang kalmadong pagpara ng suspek sa e-bike bago umalis mula sa lugar.

Sinabi ng kapitan ng barangay na tindero ng isda ang biktima, na nakatulog habang nag-aabang ng paninda.

Naganap ang krimen sa harap ng Pasil Fish Market.

"Hinay-hinay niyang kinuha. Nagpalinga-linga. Binantayan niya hanggang makatulog," sabi ni Captain Clifford Jude Niñal, ng Barangay San Nicolas Proper.

Naiulat na sa pulisya ang insidente.

Ngunit hinala ng mga awtoridad na namanmanan ng suspek ang biktima at natuklasan nitong may dalang pera ang lalaki.

Patuloy na inaalam ang pagkakakilanlan ng suspek.

Nakiusap naman ang biktima sa mga nakakikilala sa lalaki na agad makipag-ugnayan sa pulisya o barangay.

Hindi na nagbigay ng pahayag sa media ang biktima. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News