Hindi pinagbigyan ng Muntinlupa Regional Trial Court (RTC) ang mosyon ng direktor na si Darryl Yap na pag-isahin na lang mga kaso na inihain laban sa kaniya ni Vic Sott, kaugnay ng kontrobersiyal na teaser sa pelikula niya tungkol sa rape case noon ng namayapang sexy actress na si Pepsi Paloma.
Sa inilabas na kautusan ng Muntinlupa RTC Branch 205, tinanggihan ng hukom ang hiling ni Yap na pag-isahin ang petition for writ of habeas data na inihain ni Sotto sa naturang korte, at ang 19 counts ng cyberlibel na inihain pa rin ng aktor laban sa kaniya na isinampa naman sa Muntinlupa Office of the Prosecutor (OCP).
“The Motion for Immediate Consolidation is devoid of merit. The two legal actions are inherently distinct in nature, purpose, jurisdiction, and procedure,” paliwanag sa kautusan.
Paliwanag ng korte, maaari lamang ang pagsasama ng mga kaso kung pareho ang mga legal o factual na isyu at pareho ang forum na pinagdadausan ng mga kaso.
“Here, the petition and the criminal complaint are pending before distinct forums and are governed by separate procedural frameworks. Thus, consolidation is legally impermissible,” ayon sa RTC.
“Even if the two cases involve overlapping circumstances, the legal issues and relief sought remain distinct. Each case must proceed independently within its respective forum,” dagdag nito.
Inihayag din ng korte na tuloy ang pagdinig sa kaso sa January 17.
Tinanggihan din ng korte ang mosyon ni Sotto na maglabas ng show cause order laban kay Yap.
Sa naturang teaser ng pelikula na may titulong "The Rapists of Pepsi Paloma," binanggit ang pangalan ni Vic at inakusahang nanggahasa.
Dating sexy actress si Pepsi, o Delia Smith sa tunay na buhay, na pumanaw noong 1985 sa edad na 18, tatlong taon matapos niyang sabihin sa korte na hindi totoo ang kaniyang alegasyon na ginahasa siya. -- mula sa ulat ni Joahna Lei Casilao/FRJ, GMA Integrated News