Walang kawala at tinekitan ng mga awtoridad ang isang ambulansya na may sakay na nagpanggap umanong pasyente para makadaan sa EDSA busway nitong Huwebes

Sa ulat ni Bea Pinlac sa GTV News Balitanghali, sinabing kabilang din sa mga motorista na nahuli ng Special Action and Intelligence Committee for Transportation (SAIC)  na dumaan sa EDSA Busway Ortigas Station ay isang pulis na sakay ng motorsiklo, at ilang motor taxi na may sakay na pasahero.

Nagsimulang manghuli ang SAIC 6 a.m. pa lamang at wala pang dalawang oras ang nakararaan, halos 20 motorista na ang nahuli nilang sumuway at nagpilit lumusot sa EDSA bus lane.

Dahilan ng ilang nakausap ng GMA Integrated News kaya dumaan sila sa bus way ay ayaw nilang maipit sa rush hour traffic.

“Hindi ko po kasi alam, ma’am, kasi naghatid po ako ng pasyente. Ang inaano ko lang po, baka may isa pang emergency daw sa barangay po namin, maka-response po agad. Traffic po, kaya dito na po ako dumaan,” sabi ng isang barangay ambulance driver na kasamang nahuli.

“Medyo nagmamandali. Oras po kasi, hinahabol po kasi ang oras. Wala na tayong magawa kasi ‘yan ang batas,” sabi naman ng isa pang motorista.

Mga motorcycle rider umano ang karamihan sa mga nahuli.

Ang isang motorcycle rider, mabisto pa na expired ang rehistro ng kaniyang kaniyang sasakyan na dagdag sa kaniyang multa.

Nasa P5,000 hanggang P30,000 ang multa sa mga nahuling hindi awtorisadong dumaan sa EDSA busway at posible pang humantong sa driver's license revocation ang parusa para sa kanila. --Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News