Dumating na sa Pilipinas nitong Huwebes ang tamang mga labi ng isang babaeng Overseas Filipino Worker (OFW) na nasawi sa Kuwait. Bago nito, nagulat ang pamilya ng OFW nang matuklasan nila na maling bangkay ang naibigay sa kanila.
Sa ulat ni Mark Salazar sa GMA News 24 Oras, sinabing dadalhin muna sa Cavite ang mga labi ng OFW na si Jenny Alvarado upang isailalim sa awtopsiya upang matukoy ang tunay na dahilan ng pagkamatay nito.
May pagdududa ang pamilya Alvarado kung naimbestigahan bang mabuti ang pagkamatay ng OFW dahil sa nangyaring pagkakamali sa naipadalang bangkay.
Napag-alaman na bangkay ng Nepali na katrabaho ni Jenny ang naipadala sa Pilipinas noong nakaraang Enero 10.
“Kung nag-imbestiga talaga sila nang maayos, bakit yung Nepali yung dumating sa amin? Parang minadali yung imbestigasyon eh, na sobrang bilis ng pagdating…January 2 namatay, January 10 dumating,” saad ni Angel, anak ni Jenny.
Sinasabing nasawi ang OFW dahil sa suffocation, pero may pagdududa ang kaniyang pamilya.
“Yung kuko niya po kasi is natutuklap tapos yung kamay niya po may uling. Sabi suffocation, natulog lang sila, nalanghap yung usok, pero bakit may uling yung kamay? Tapos may pasa pasa po yung Nepali, yung bibig niya po may pasa,” ani Angel.
Ayon sa Department of Migrant Workers (DMW), hinihintay pa nila ang resulta ng imbestigasyon ng pulisya sa Kuwait.
“We are awaiting the results of the police report, police investigation, as well as the autopsy results. From there, we will move to the possibility of filing also a legal claim with respect to Jenny’s death,” sabi ni DMW Secretary Hans Cacdac.
Inaalam din umano ng DMW kung sino ang may pagkakamali sa pagkakapalit ng mga labi. —FRJ, GMA Integrated News