Pinasok sa loob ng kaniyang salon ang isang negosyanteng miyembro ng LGBTQ+ community at pinagbabaril na dahilan ng kaniyang pagkamatay sa General Santos City.

Sa ulat ni Efren Mamac sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Huwebes, makikita sa kuha ng CCTV camera sa loob ng salon sa Barangay Dadiangas West, na nakaupo sa loob ang biktima kasama ang ilan pang tao.

Hindi nagtagal, pumasok ang suspek na may takip sa mukha at bumunot ng baril saka ipinutok.

Gumanti ang mga tao sa loob ng salon sa pamamagitan ng pagbato sa kaniya ng mga bagay.

Ilang beses na naglabas-pasok ang suspek sa salon at pinuntirya rin nito ang CCTV camera.

Tumakas ang suspek sakay ng naghihintay na motorsiklo.

Ayon sa pulisya, hindi na umabot ng buhay sa ospital ang biktima dahil sa tinamong tama ng bala sa dibdib at paa.

Sinabi ni Police Station 1 Commander Police Captain Cyrus Vince Arro, na lumalabas sa kanilang imbestigasyon na kakilala ng biktima ang suspek.

Nakaaway umano ng biktima ang suspek dahil sa negosyo na dati silang magkasosyo.

Patuloy umanong hinahanap ang mga suspek.-- FRJ, GMA Integrated News