Noong 2023, umabot sa mahigit 31,000 ang naitalang motorcyle related crashes, at mahigit 200 katao ang nasawi. Kaya naman maituturing mapanganib ang  pagmamaneho ng motorsiklo sa kalsada. Ano nga ba ang mga dapat tandaan para mas maging ligtas ang biyahe ng mga rider? Alamin.

Sa programang "Kara Docs" ni Kara David, sinabing ang bilang ng mga disgrasyang kinasangkutan ng mga motorsiklo noong 2023 ay mas mataas sa naitalang mahigit 26,000 noong 2022.

Kada araw, halos 60 tao umano ang nasasangkot sa motorcycle road accidents.

Sa isang video na ipinalabas sa report, makikita ang isang rider na nagtatangkang mag-overtake sa kaliwang bahagi ng isang bus.

Ito ay kahit pa may solid white line sa kalsada, na ang ibig sabihin ay bawal magpalit ng linya ang mga sasakyan.

Nang hindi makalusot sa kaliwa ng bus ang rider, mabilis siyang lumipat sa kanang bahagi ng bus pero mayroon palang nakatigil na sasakyan at bumangga sa likod nito ang motorsiklo.

Ayon sa driving instructor na si Jason del Mundo, may mga motorista na may maling akala tungkol sa solid white line o lane.

"Akala kasi ng mga motorista na no overtaking lang yung 'solid yellow line' lang. Pero itong white solid line, no changing lane 'yan so almost the same 'yan ng no overtaking," paliwanag niya.

Anu-ano pa nga ba ang mga dapat tandaan kapag nagmamaneho ng motorsiklo upang makaiwas sa disgrasya? At ano ang maaaring maging palatandaan ng isang motorista upang malaman niya kung nasa puwesto siya ng "blind spot" ng isang malaking sasakyan, partikular ng mga bus o truck? Panoorin ang video para kabuuang talakayan. --FRJ, GMA Integrated News