Nangangailangan ng mga Pinoy worker ang bansang Finland, na bukod sa alok na malaking sahod, puwede pa umanong makasama ng manggagawa ang kanilang pamilya sa nabanggit na bansa.

Sa ulat ni JP Soriano sa GMA News “24 Oras” nitong Huwebes, sinabing ang mga benepisyo at sahod na aabot sa mahigit P90,000 kada buwan ay kabilang sa mga alok ng Finland, sa nilagdaang Joint Declaration of Intent (JDI) sa Pilipinas.

“For Finland, it’s important for those workers who would like to come bring their families. It’s also possible, and we try to help them find work for their spouses as well. And they can also get their children to Finland and to school if they like it that way,” ayon kay Finland Minister Arto Olavi Sartonen.

Kabilang sa mga manggagawa na kailangan ng Finland ay mga skilled workers, hotel and tourism workers, restaurant staff, IT personnel, at healthcare workers gaya ng mga nursing staff at caregivers.

Ayon sa gobyerno ng Finland, mahalaga sa kanila ang labor equality kaya kapareho ng mga lokal nilang manggagawa ang minimum wage ng mga dayuhang manggagawa na nasa 1,600 euros o mahigit P96,000 kada buwan, depende sa uri ng trabaho at industriya.

Kasama rin sa kasunduan ang upskilling ng mga Filipino healthcare workers.

“One can come in, let’s say as a caregiver or nurse assistant, and be upgraded from there in Finland so this is something that is also suited to our healthcare demands in our very own country,” sabi ni DMW Secretary Hans Cacdac.

Muli ring nagpaalala ang DMW sa publiko na mag-ingat sa mga pekeng job orders online para hindi maloko at mabiktima ng mga illegal recruiter.

Maaaring alamin ang mga totoong job offers sa DMW. -- FRJ, GMA Integrated News