Matapos ang mahigit 40 taon mula nang mawala ang limang sagradong panel sa pulpito ng isang simbahan sa Boljoon, Cebu, apat dito ang nakitang nasa pangangalaga ngayon ng National Museum. Ito na kaya ang maging daan para maibalik sa simbahan ang itinuturing sagrado at antigong bahagi ng simbahan?

Naging kontrobersiyal ang apat na panel na naka-exhibit sa National Museum nang may makapansin ang pagkakahawig nito sa nawawalang mga pigura sa simbahan ng Boljoon noong 1980s.

Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabing ang mga panel ay galing sa simbahan ng Boljoon o Archdiocesan Shrine of Patrocinio de Maria Santisima, na itinayo noong 1793.

Ang naturang simbahan ang isa sa mga pinakalumang simbahan sa bansa, na idineklara na National Treasure ng National Museum of the Philippines noong 2001.

"Ang Boljoon ay isa sa pinakaunang mga parokya na na-establish ng mga paring Agustino sa Cebu. Malaki ang papel ng Boljoon for the spreading of Catholicism in the south. Nasa tentative list ng UNESCO World Heritage Sites. Pagpasok mo sa Boljoon, you're back in the 1700s," ayon sa historian na si Dr. Jose Eleazar Bersales.

Naglalaman din umano ng mga historical artifacts ang simbahan. Sa loob ng tinatawag na El Gran Baluarte, na kampanaryo, makikita ang sinaunang selda noong panahon ng Kastila.

Sa pader ng selda, makikita ang ilang iginuhit na mga barko na natatanaw ng mga preso mula sa kinaroroonan nila.

Sa courtyard ng simbahan, may nahukay ang ilang local archaeologists na mga labi na may suot na mga antigong alahas, pati na ang misteryosong hikaw na hinihinalang ginamit ng mga sinaunang lider, katulad ni Lapu-Lapu.

"Itong mga hukay na ito, this proves na mayroon tayong kultura o sibilisasyon nu'ng hindi pa dumating ang mga Kastila," sabi ni Pebols Ruela.

Sa loob ng simbahan, makikita pa rin ang pulpito kung saan tumatayo ang mga pari kapag nagdaraos ng misa.

"That was designed because there was no microphone during the time. Mayroon siyang tinawag na tunabos in Spanish, that is the sounding board that could amplify the voice of the priest," paliwanag ni Fr. Brian Brigolo.

Sa harap ng pulpito, mayroong anim na pigura o panel na pinaniniwalaang inukit noong 19th century. Nakaguhit sa mga panel ang imahe nina Saint Leo the Great, St. Thomas of Villanueva, St. Ambrose of Milan, St. Gregory the Great,  St. Augustine of Hippo.

Tanging ang imahe ni Saint Leo the Great ang naiwan sa simbahan, habang may isa pang nawawala, at apat ang nasa pangangalaga ng National Museum na umano'y may pribadong tao na nag-donate.

Bukod sa panel ng pulpito, may iba pang gamit sa simbahan ang nawala noong 1980. Ayon kay Fr. Brian, naging suspek noon sa pagkawala ng mga gamit ang pari sa simbahan.

"'Yung alleged larceny o robbery in 1980s, may kaso na pong na-file against the incumbent priest noon. But, it was dismissed because of the failure to prosecute," sabi ni Atty. Benjamin Cabrido Jr.

MULING NASILAYAN

Nitong nakaraang Pebrero 13 nang mapansin ng dating tour guide sa Boljoon ang pagkakahawig ng apat na imahe na nasa koleksyon ng National Museum nang i-post ang artifacts online.

Dahil dito, nanawagan ang mga lider ng simbahan, pati si Cebu Governor Gwen Garcia na maibalik sa Boljoon ang artifacts.

"Because they belong to what has since been declared a National Cultural Treasure - Boljoon Church, we request the National Museum to return these treasures so that they may be rightfully put back where they belong," pahayag niya.

Sinubukan ng KMJS na makunan ng pahayag ang National Museum pero wala pa silang tugon nang sandaling iyon. Pero sa naunang pahayag na kanilang inilabas, ipinaliwanag nila kung papaano napunta sa kanila ang apat na panel.

"It is noteworthy to emphasize that our donors procured these specific panels through legitimate means, highlighting their commitment to ethical acquisition. Moreover, the donors' decision to acquire these artifacts and donate to the Philippines reflects their dedication to preserving cultural heritage and promoting patriotism," ayon sa National Museum.

Idinagdag nila na idinonate ang apat na panel ng isang private collector, at hindi nila alam kung nasaan ang isa pang nawawala.

Bukas din daw silang makipag-usap tungkol sa mga ito.

Ayon kay Atty. Benjamin Cabrido Jr., sino ang may huling hawak ng isang bagay na itinuturing ninakaw ay maaaring managot sa batas.

"May separate tayo na batas d'yan, 'yung Anti-Fencing Law of 1979, Presidential Decree 1612. Sa batas na 'to, hindi kailangan na 'yung may sala kasali du'n sa pagnakaw. Ang requirement lamang ng batas para ikaw ay mahabla doon sa sinabi kong batas is ikaw ang may hawak, in possession, na-acquire mo 'to. Kung sakali man itong mga items na it passed through many hands already, it doesn't give weight, and those people who donated that cannot use that as their defense," paliwanag niya.

"And those people who donated that cannot use that as their defense. So the last person who was found to be in possession of these items that were taken out without the consent of the church should be held liable. And the National Museum officials also can be held as principal by direct participation because they accepted that," dagdag pa ng abogado.

Sinubukan din ng KMJS na makuhanan ng pahayag ang sinasabing nag-donate ng panel pero hindi sila tumugon.

Noong linggo, nagkaroon ng pagpupulong ang mga lokal ng opisyal ng Boljoon at pamunuan ng National Museum tungkol sa kontrobersiyal na panel ng pulpito. Ito na nga kaya ang maging daan para maibalik sa simbahan ng Boljoon ang mga imahen? Alamin sa video ang resulta ng pagpupulong. Panoorin. --FRJ, GMA Integrated News