Aminado si dating world super flyweight champion Jerwin Ancajas na matindi ang inabot niyang body shot mula kay WBA world bantamweight champion Takuma Inoue sa kanilang sagupuan nitong Sabado.
Itinigil ng referee ang laban sa ika-siyam na round matapos mapaluhod si Ancajas at hindi na makalaban makaraang tamaan ni Takuma ng body shot.
Ito ang unang pagkatalo ng 32-anyos na si Ancajas sa pamamagitan ng pagtigil ng referee sa kaniyang 40 laban.
Sa Youtube video na Sparring Sessions by JM Siasat, ikinuwento ni Ancajas na plano sana niyang pasukuin si Takuma, kapatid ni Inoue, sa pamamagitan din ng body shot na ilang beses niyang ginawa at tumama.
"Dahil sa focus ko na matamaan siya ng body shot, ako talaga ang nagitnaan [sa katawan] ," ani Ancajas, na may record ngayon na 34-4-2, at may 23 knockouts.
Kuwento pa sa Pinoy boxer, kaya niyang tanggapin ang mga body shot sa gilid pero ngayon lang siya tinamaan ng sentro sa gitna.
"Yung timing nandoon, gitnang-gitna talaga yung ano. Kung gilid kaya 'yon... yung gitna first time kong tamaan sa gitna. Siguro naging pabaya ko rin [kasi] gusto kong makatama nang maganda sa kaniya, na-counter ako," paliwanag niya.
Patuloy pa ni Ancajas, naramdaman niyang bumigay ang katawan niya nang tamaan na siya sa gitna ng sikmura.
"Pagkatama biglang breakdown kaagad yung katawan ko...yung hininga ko parang naputol. Gusto ko sanang kayanin, tumalikod ako saglit para ihabol yung hininga ko, yung paghabol ko down talaga yung katawan ko," ayon sa kaniya.
Sa nakaraang apat na laban ni Ancajas, mula noong 2022, isa lang ang kaniyang naipanalo kontra kay Wilner Soto noong nakaraang Hunyo.
Ipinapaubaya naman ni Ancajas sa kaniyang trainer at manager na si Joven Jimenez, at kay MP Promotions President Sean Gibbons kung ano susunod niyang gagawin. —FRJ, GMA Integrated News