Inamin ni Rita Daniela na gumastos siya noon para masolo ang isang lugar at magkausap sila ng masinsinan ni Ken Chan kung saan nagtapat siya ng damdamin. Pero ang aktor, bakit kaya "tinanggihan" ang aktres.

Sa programang "Sarap ‘Di Ba," ikinuwento nina Ken at Rita na parehong nahulog ang loob nila sa isa't isa noong panahon ng kanilang love team.

“Dumating kami sa point na nalito rin kaming dalawa,” sabi ni Ken. “Sinabi ko rin sa isang interview ko na posible pala na puwede kang mahulog sa katrabaho mo.”

Kinumpirma nina Ken at Rita na nagsimula sila bilang close friends o best friends.

Pero nagkaroon pa sila ng masinsinang pag-uusap bago sila magkatrabaho na walang mai-in love sa kanila sa isa’t isa, ayon kay Rita.

Kalaunan, hindi rin natupad ang kanilang kasunduan, at tila nagkaroon sila ng mutual understanding.

“Nagulat na lang kami isang araw, ‘Ay, bakit parang may ganu’n na, may something na,’” sabi ni Rita. “It was reciprocated, yes.”

“Alam namin ‘yun,” pagpapatuloy ni Rita.

“Pero, hindi puwede,” duktong naman ni Ken.

Dito, inilahad ni Rita na siya pa ang gumastos sa pag-amin ng kaniyang nararamdaman kay Ken.

“Nagpa-reserve lang naman ako ng isang cottage tapos kami lang ang naka-reserve at that time, sa amin ‘yung buong bundok. Para kaming nasa pelikula,” kuwento ni Rita.

Naka-set up ang isang picnic sa naturang venue kung saan naroon ang lahat ng mga paboritong pagkain ni Ken.

Ikinuwento naman ni Ken kung paano umamin sa kaniya si Rita.

“Through letters, five pages. Tapos ‘yung sulat sobrang liliit. Binasa niya sa harapan ko while she is crying,” anang Sparkle actor.

Gayunman, "tinanggihan" ni Ken ang pagtatapat ni Rita.

“First word ang sabi niya, ‘I’m sorry, no,’” pag-alala ni Rita na sinabi umano ni Ken, na pinabulaanan naman ng binata.

“Ang sabi ko ‘Thank you, but I’m sorry,’” paglilinaw ni Ken.

“Bakit ‘Sorry’? Bakit ‘No’? Bakit hindi puwede?” diretsahang tanong ng host na si Carmina Villarroel.

“I was not ready,” pagtapat ni Ken. “I was starting my businesses.”

“Ang sabi ko sa kaniya, ‘Hindi pa ako handa.’ Kasi kung magsisinungaling, ‘Sige let’s do this’ and I’m not ready, mas lalo ko siyang masasaktan,” paliwanag ni Ken.

Ngunit inihayag ni Rita na gusto niyang bigyan ni Ken ng pagkakataon ang kanilang relasyon.

“May part na ganu’n. May part na, kahit tinry man lang nang kaunti, hanggang saan aabot. At least masasabi mong, at least nagawa. Kaysa ‘yung marami kang what if’s,” sabi ni Rita.

Bago nito, nagplano pa si Rita ng surprise party para kay Ken, at niregaluhan pa niya ito ng telescope.

“Isipin mo January siya, pasimula ng taon, painful agad,” pag-amin ni Rita.

Isang taon ang inabot bago muling nagkaayos ang relasyon nina Rita at Ken bilang magkaibigan.

“Umabot sa point na nagsabi ako na hindi ko pa siya kayang ka-work,” saad ni Rita.

Matatandaang pumatok ang tambalan nina Rita at Ken o “RitKen” sa My Special Tatay, kung saan gumanap si Ken bilang si Boyet na may mild intellectual disability.

Si Rita naman si Aubrey, isang babaeng nag-aalok ng panandaliang aliw, na umakit kay Boyet at nagkaroon sila ng anak.

Matapos ang tagumpay ng My Special Tatay, lalo ng tambalang RitKen, nasundan pa sila ng “One of the Baes” at “Ang Dalawang Ikaw.”

Nagkasama rin sina Ken at Rita sa All-Out Sundays, at naging hosts din ng The Clash. Nagkaroon pa sila ng My Special Love - Bobrey In Concert noong 2019. -- FRJ, GMA Integrated News