Labis na ikinalungkot ni Lolo Pio Punzalan ang pagpanaw ng kabiyak na si Lola Milagring na 73-taon niyang naging katuwang sa buhay. Ngunit makalipas lang ng tatlong linggo, muli na silang nagkapiling.

“Asawa kong minamahal, gumising ka at huwag mo akong iiwanan,” pagsusumamo ni Lolo Pio habang nasa harapan ng noo'y nakahimlay na si Lola Milagring.

“Bago ka umalis, ako’y iyong pahahalikin,” saad pa ni Lolo Pio.

Sa ulat ni John Consulta sa programang "Brigada," ikinuwento ng mga anak ni Lolo Pio at Lola Milagring, na ibang babae dapat ang napangasawa ng kanilang ama noon kabataan nito dahil ipinagkasundo ito ng kaniyang mga magulang na ipakasalan sa isang babae.

Ngunit hindi nangyari ang kasal dahil hindi sumipot ang babae. Gayunman, hindi naman daw ito labis na dinamdam ni Lolo Pio.

Hanggang sa makilala ni Lolo Pio ang dalaga noon na si Milagring na kaniyang niligawan, ipinag-iigib ng tubig, at ikinukuha ng panggatong.

Mahilig ding magbasa si Lolo Pio ng “Florante at Laura” kaya sa pagbigkas ng tula niya idinaraan ang panliligaw kay Milagring.

Kalaunan, naging magkasintahan sina Pio at Milagring, na humantong din sa kasalan. Nagbunga sila ng walong supling.

Nagsasaka si Lolo Pio samantalang si Lola Milagring ang tumutok sa pag-aalaga sa walo nilang anak.

Gayunman, hindi rin naging perpekto ang kanilang relasyon dahil madalas nilang pag-awayan ang labis na pag-inom ng alak ni Lolo Pio.

Tumagal ng 73 taon ang kanilang pagsasama kaya naman maituturing “ultimate couple goals” ang kanilang relasyon sa kanilang lugar.

Ngunit noong Enero 10, nagkasakit si Lola Milagring, at nang mahirapan itong huminga dahil na rin sa kaniyang edad.

Ang pangatlong anak na si Benny ang siyang nag-alaga sa kaniyang mga magulang.

“Ang sabi ng aking anak, ‘Tatay ang lola hindi kumain. Masama ang hinga [paghinga]. Kami, tawag uli ng patrol. Dumating naman, dala uli sa ospital,” sabi ni Benny.

Ngunit dahil mahina na rin ang pangangatawan ni Lola Milagring, hindi na niya kinayang labanan ang sakit, at pumanaw siya sa edad na 94 noong Enero 11.
 
Ayon kay Benny, nabigla ang kanilang ama na si Lolo Pio nang sabihin nila na wala na kanilang ina.
“‘Bakit mawawala ang iyong ina? Nandiyan pa sa kuwarto.’ Akala niya nasa kuwarto pa ang inay. Ika nga eh, ganoon na lang ang kaniyang pagkalungkot at pagluha,” sabi ni Benny.

“Napakahirap mong makita na ang iyong ama, gano'n na lang kahirap ang kalooban. Napakahirap na makita mo ang kalooban ng iyong mahal na ama ay pagdadalamhati sa pagkawala kaniyang minamahal,” emosyonal na sabi pa ni Benny.

“Araw-araw, lagi tinatawag niya ang aming ina. ‘Panginoon ko po, ibalik po sa akin ang aking asawa, ang aking Milagring,’” dagdag pa ni Benny na binabanggit ng kaniyang amang si Lolo Pio.

Maging sa burol ni Lola Milagring, kinakausap pa rin ni Lolo Pio ang kaniyang minamahal.

At makalipas ang tatlong linggo mula nang pumanaw si Lola Milagring, isinugod sa ospital si Lolo Pio, at kinalaunan ay pumanaw na rin.

Ayon sa mga eksperto, posibleng nakaranas ng Broken Heart Syndrome si Lolo Pio dahil sa labis na kalungkutan.

“Basically, ‘pag tayo ay nalulungkot or kahit anong sitwasyon nakapagpa-grabe ng emosyon ng isang tao, pwede ding sobrang saya or sobrang lungkot, ang nangyayari po sa katawan natin tumataas po yung tinatawag nating catecholamines. Ito po ‘yung hormones na nagpapabilis ng tibok ng puso and also nagpapataas ng blood pressure ng isang tao. Nagdadagdagan ang stress sa puso,” sabi ng Cardiology Consultant ng ManilaMed na si Jezreel Taquiso, MD.

“Takotsubo Cardiomyopathy or broken heart syndrome ay commonly nakikita sa mga post-menopausal women or ‘yung mga matatandang babae. Pero bihira po usually sa mga lalaki,” dagdag pa ni Taquiso.

Malaki rin ang naging epekto sa mental health ni Lolo Pio sa pagkawala ng kaniyang mahal na si Lola Milagring.

“Dahil masyadong long-term na ‘yung marriage nila, siyempre enmeshed na ‘yung buhay nila. Masyado nang interconnected. Para silang lovebirds ‘di ba? So kapag ‘yung isa namatay, siyempre mawawala ng meaning, mawawala ng kabuluhan ‘yung buhay na iwan,” sabi naman ng clinical psychologist/psychiatrist na si Randy Dellosa MD, PsyD.

Nitong nakaraang Miyerkoles, nailibing na si Lolo Pio.

“Ganoon na lamang ang kanilang pagmamahal na sa isa't isa. Magaya ko man lang ‘yung sa aking ama't ina, siguro napakapalad ko na rin," sabi ni Benny. --FRJ, GMA Integrated News