Ano nga ba ang kahalagahan ng Chinese New Year sa mga Pilipino, at bakit kilala ang Binondo bilang isa sa mga pinakamatandang Chinatown sa bansa na nagdiriwang nito?

Ipinagdiriwang sa bansa ngayong Pebrero 10 ang Chinese New Year, o ang pagsisimula ng Year of the Wooden Dragon ngayong 2024. Ag Binondo sa Maynila, isa sa mga lugar sa bansa na masigla at masayang sumasalubong sa Chinese New Year, na hitik sa mga pagkaing Tsino, bigayan ng mga ampaw, nakaaaliw na mga lion at dragon dance, at makukulay na fireworks displays.

BASAHIN: Alamin ang mga pampasuwerte at mga Zodiac Sign na mas suwerte ngayong 2024

Ayon kay Ivan Man Dy, founder at lead guide ng Old Manila Walks, (https://oldmanilawalks.com/), may mahalagang kaugnayan ang Chinese New Year sa Pilipinas dahil sa Chinese-Filipino community.

“Significant siya kasi meron tayong Chinese-Filipino community. Na noong araw, ‘yung celebration ng Chinese New Year, within the community lang,” paliwanag ni Dy, na laking Binondo at 19 taon nang gumagawa ng mga tour sa Maynila.

Anu-ano nga ba ang mga mahahalagang impormasyon tungkol sa Binondo?

Makikita sa Binondo ang mayamanng kultura at tradisyon ng Chinese-Filipino community. Nanggaling ito sa salitang “Binundok,” dahil sinasabi noong araw na mas mataas umano ang kalupaan ng Binondo kaysa Intramuros.

 

 

Ayon kay Dy, nasa yugto ng kasaysayan ng Pilipinas ang pagkakatatag ng Binondo noong 1594, na nagsisilbing puntahan ng mga imigranteng Tsino at “melting pot” ng Maynila.

“Hindi lang oldest, siya ‘yung continuous kasi tuloy-tuloy na simula’t sapul noong itinatag siya noong [1594]. Talagang lugar siya na napapuntahan ng mga imigranteng Tsino noong araw sa iba’t-ibang yugto ng kasaysayan natin,” paliwanag niya.

“‘Yung mga sinaunang Intsik nagpupunta doon. So siyempre, ‘pag umuugat ka doon, dinadala mo ‘yung kultura mo. Tapos, siyempre, ‘yung mga tao lumilipat, may mga dumarating na bago. So, ‘yan ang proseso,” pagpapatuloy ni Dy.

Itinatag ang Binondo ng Espanyol na si Gobernador Luis Perez Dasmariñas, bilang lugar kung saan maaaring manirahan ang mga mangangalakal na Tsino na yumakap sa Katolisismo at ang kanilang mga Pilipina na naging asawa.

“So, kasama ‘yan doon sa 'melting pot' ng Maynila. Kasi hindi mo naman puwedeng tanggalin ‘yung Chinese community. Kasi nga, simula’t sapul, nandiyan sila,” ani Dy.

Kung kaya naman ang Binondo ay nagsilbing lugar ng pagsasama ng kultura ng mga Pinoy, Kastila at Intsik.

“Makikita mo ‘yung kasaysayan niya dahil Spanish colonial period. Makikita mo ‘yung architecture niya, ‘yung lumang Maynila, merong kapis (balat ng talaba na ginagamit bilang partisyon ng bintana), may ganiyan. Do you see that in China? No, you don't,” aniya.

“So, you have to recognize that ‘yung Chinatown natin, it's a place of evolution. Of course, there's always the Chinese element kasi nga, it's been a destination for Chinese immigrants. But culture changes, nagbabago ang kultura,” sabi ni Dy.

Ayon kay Dy, isang graduwal na proseso ang pagkakabuo sa Binondo bilang isa sa mga lumang Chinatown sa Pilipinas.

“‘Yung Binondo kasi, kung titignan mo, hindi naman siya talaga Chinatown noong araw. Hindi siya ‘yung Chinatown na iniisip natin ngayon. Kasi iba-ibang lahi ang nakatira diyan noong araw. Hindi lang Chinese. ‘Yung Escolta Street, puro mga Tisoy ‘yan noong araw. Pero Binondo siya,” paliwanag niya.

Naunang mabuo ang mga bahay na bato sa Binondo, hanggang sa maging sentro ito ng kalakal at komersyo noong ika-19 siglo. Kalaunan, naitayo rin ang mga malalaking kumpanya at mga nagtataasang gusali, lalo na sa Escolta.

Idiniin ni Dy na isa mga natatangi sa mga Chinatown ang pagkakaroon ng mga “family association,” o pagtutulungan ng mga Tsinoy na magkaka-apelyido.Bagama’t may mga elemento ng kulturang Tsino, makikita rin sa Binondo ang paghahalo ng kulturang Pinoy.

 

 
 

“Dahil sa nag-adapt din ‘yung mga Chinese sa kanilang mga pinagpuntahan, nagkaroon ng panibagong kultura. Halimbawa, ang original na hopia naman, monggo eh. Pero ngayon, nagka-Ube. Meron na rin durian. Makakita mo, minsan, ‘yung mami, ‘yung noodles, nag-iiba ‘yung panlasa, nag-iiba ‘yung timpla, kasi meron silang mga nilalagay na kung ano ‘yung meron dito,” sabi ni Dy.

Bukod sa pagkain, naiiba rin ang Chinatown sa Binondo pagdating sa arkitektura dahil na rin sa paghahalo ng impluwensiyang Kastila. Isa na rito ang pagkakaroon ng mga simbahan, na hindi matatagpuan sa mga Chinatown sa ibang bansa.

“Meron tayong plaza na malaki. ‘Yung mga plaza, very Spanish colonial naman ‘yan. So, hindi lang sa pagkain, makakita mo mismo doon sa pisikal na aspeto ng Binondo. ‘Yung mga pangalan ng kalye sa Binondo, mala-Kastila tsaka Chinese. Kasi, Salazar Street, San Fernando Street, o, Ilang-Ilang, o, Tagalog ‘yun, halaman ‘yon. May Santo Cristo. Puro Katoliko ang pangalan. Kasi nga, noong araw, Kastila, Katoliko. Makikita mo sa maraming aspeto,” pagbahagi niya.

Isa rin ang Binondo sa mga lugar na nagkaroon ng mahahalagang papel sa kasaysayan ng bansa. Dito nanirahan si Teodora Alonso, ina ng Pambansang Bayani na si Jose Rizal.

Nabanggit din ang Binondo sa nobela ni Rizal na Noli Me Tangere, partikular ang Daang Anloague kung saan namamalagi ang bahay nina Maria Clara at Kapitan Tiago.

Isa sa mga kilalang tao sa kasaysayan ng Binondo si Roman Ongpin, isang negosyanteng Tsinoy na sumuporta sa rebolusyon laban sa mga Kastila.

 

 

Ang kaniyang tindahan ang nagsilbing lihim na umpukan ng mga rebolusyunaryo, at bagsakan ng impormasyon tungkol sa kilusan na lumaban sa mga Kastila. Bukod dito, nagkakaloob din si Ongpin ng tulong pinansiyal at pagkain sa kilusan hanggang sa matapos ang pananakop ng mga Kastila sa Pilipinas.

Ipinagpatuloy ni Ongpin ang pagtulong sa mga rebolusyunaryo nang sumiklab ang pakikidigma ng mga Pilipino laban sa mga Amerikano.

Si Mariano Limjap naman ay isa ring Pilipinong rebolusyonaryo na may lahing Tsino mula rin sa Binondo, na isa sa mga nagpondo sa La Liga Filipina.

Mula sa selebrasyon ng isang lokal na komunidad, natutong yakapin kalaunan ng mas nakararaming Pilipino ang Chinese New Year, at ipinagdiwang na rin ito sa mas marami pang lugar sa bansa.

BASAHIN: Sari-saring pagbigkas ng 'Kung Hei Fat Choi

“Si Julie Yap Daza… nakikita mo ‘yung ‘Tell the People’ niya, every year may Chinese New Year ‘yan. Noong 1990s, kapag may Chinese New Year, may parada sa Makati. So lumaki at lumaki at lumaki na rin siya,” sabi ni Dy.

“Ngayon, mas may acceptance na rin [sa] Chinoy community. Noong araw, baka iba ang sitwasyon… Kumbaga ‘yung pagdiriwang nila, low-key lang,” pagpapatuloy niya.

“Pero ngayon, siyempre, dahil very positive ‘yung pagdiriwang, sino ba naman ang ayaw ng kasaganahan? Sino ba naman ayaw ng kasiyahan, ng suwerte?  Lahat tayo gusto ‘yun. So na-imbibed na ng karamihan. Masaya siya. Fun holiday siya,” dagdag pa ng cultural expert.

Taong 2012 nang ideklarang special non-working holiday ang pagdiriwang ng Chinese New Year sa Pilipinas.

Ayon kay Dy, ang Chinese New Year ay isang halimbawa ng isang Pilipinas na yumayakap sa iba’t ibang paniniwala at kultura.

“‘Yung bansa natin, hindi lang siya iisang kultura. Sabi mong Pilipino, tapos lahat, Katoliko, Kristiyano, hindi lahat 'di ba? Pinapakita diyan na marami tayong... mga iba’t-ibang kultura sa isang bandila. Kasama ninyo, kasama nandiyan ‘yung Chinoy or Chinese Filipino,” paliwanag ni Dy. -- FRJ, GMA Integrated News