Nagbigay ng ilang tips ang mga Feng Shui consultant kung papaano susuwertihin at ano ang mga Chinese Zodiac Sign na mas bubuwenasin ngayong 2024 na Year of the Wooden Dragon.
Sa isang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," ipinayo ni Johnson Chua, na puwedeng maglagay ng lucky charm na Mandala sa labas ng pinto ng bahay.
Simbolo raw ito ng healing, meditation at wholeness, na kayang magbigay ng katuparan sa mga hinihiling.
Sa north sector ng bahay, puwede ring maglagay ng mga water energy o water image gaya ng mga isda, tulad ng Arowana.
Ang mga single na gustong magka-love life, maglagay naman daw ng Mandarin duck. At kung gustong suwertihin sa trabaho o sa investment, paliwanagin ang parte ng bahay sa southwest at maglagay ng mga bagay na kulay pula.
Ang kuwarto, dapat daw na panatilihing bago ang kumot at punda. Mainam din daw na maglagay ng tila maliit na pampasuwerteng lampara na Wulou para sa kalusugan ng pamilya.
Para suwertehin pa rin sa pera, puwedeng gumamit ng golden money foil na inilalagay ang wallet na may kasamang totoong pera.
Ang asul, berde at pula ang lucky color daw ngayong taon.
Ano naman kaya ang mas buwenas na Zodiac sign ngayong 2024, ayon kay Johnson Chua? Alamin 'yan sa video ng KMJS.
Samantala, sinabi naman ng Feng Shui consultant at Geomancer na si Patrick Lim Fernandez, na all about growth o paglago ang 2024 Year of the Wooden Dragon.
"Take advantage of this energy. Grow with the world rather than against it," payo ni Fernandez nang makausap ng mga mamamahayag sa isang event kamakailan sa New World Makati.
TINGNAN DIN: Alamin ang Chinese Zodiac forecast sa darating na 2024
Maganda raw ang taong ito para kumita sa pamamagitan ng iyong passion o kung saan ka mahusay.
"Any way you can monetize what you know, this is a good year for that," saad niya. Kabilang daw sa mga suwerte ngayon ang negosyo na may kaugnayan sa kalikasan gaya ng mga halaman o pananamin.
Alamin din ang mga gabay na kaniyang ibinigay patungkol sa pag-ibig, pinansyal, kalusugan, at career, para sa bawat Chinese Zodiac sign ngayong year of the Wooden Dragon.
--FRJ, GMA Integrated News